Biyahe: Pangasinan ay nasa puso

byahe

HINDI na dapat magtaka kung bakit sa kabila ng pagiging maliit ng ating bansa ay dinarayo tayo ng mga turista. Sa hindi mabilang na magagandang lugar na nakapaligid sa atin ay talaga namang mawiwili ang lahat na pumunta at bumalik dito.

Matutunghayan sa iba’t-ibang sulok ng Pilipinas ang mga makapigil-hiningang tanawin na maaaring lakbayin. Gawin mong makatotohanan ang mga lugar na sa litrato mo lang kadalasang napupuntahan, maglakbay at simulan ito sa Pangasinan…

Mabighani sa isang daan at higit pang pulo ng Hundred Islands ng Alaminos. Sino ba naman ang hindi nakakaalam sa likas na yamang bumabalot dito? Binubuo ng 124 na pulo, ito ay kilalang puntahan ng mga turista dahil sa island hopping at iba pang aktibidad tulad ng snorkelling, banana boat at zipline.

Kinakailangang magbangka nang higit-kumulang 45 minuto upang marating ang mga pulong ito.
Bukas sa mga turista ang mga pulo tulad ng Marcos Island, Quezon Island at Children’s Island.
Magtampisaw sa kapana-panabik na Bolo Beach na matatagpuan din sa Alaminos.

Kung nais mo ng tahimik at masayang bakasyon, bubungad sa iyo ang pino at maputing buhangin nito.
Para sa mga nature lover na walang hanggan ang galak pagdating sa mga ganitong klase ng adventure, naghihintay sa inyo ang malamig na simoy ng hangin samahan pa ng tunog ng alon na kay sarap dinggin.

Maaari rin ditong mag-beach volleyball at mag-bonfire. Maakit sa malamig at malinaw na tubig ng Antong Falls sa bayan ng Sison kung saan makikita ang mga naglalakihang buhay na bato. Sa kabila ng bahagyang kahirapan upang marating ito ay patok pa rin sa mga turista dahil masusuklian ang pagod mo sa nakaaayang ganda nito.

Mamangha sa iba’t-ibang pakulo na mararanasan sa Mt. Balungao sa bayan ng Balungao. Mayroon ditong masasayang aktibidad tulad ng hotsprings, swimming pools, zipline, pavilion at picnic grooves. Siguradong patok ito sa buong pamilya at magbabarkada.

At siyempre, kalakip ng paglalakbay o mahabang biyahe ay ang kaabang-abang na tikiman ng iba’t-ibang putahe at pangunahing produkto ng Pangasinan. Matakam sa pinagmamalaki ng Calasiao na puto. Binabalik-balikan dahil sa angking tamis at linamnam, siguradong mapapaulit ka sa sarap.

Bilang pangunahing produkto ng Calasiao, ito rin ang ginagawa nilang pangunahing sangkap sa taunangpatimpalak na “101 Ways to Serve Puto” kung saan ay nagpapakitang gilas ang mga kalahok sa paggawa ng mga putahe tulad ng nakaraang “puto siomai” at “puto veggie with tahong.”

Maglaway sa iba’t-ibang klase ng seafood. Kung ang budget mo ay may kalakihan, dayuhin ang Dagupan na sikat sa mga seafood restaurants. Kung medyo kapos naman sa budget, maraming naglalako ng ba’tibang uri ng seafood sa mababang presyo sa bayan ng Bonuan.

Maaari kang makabili rito ng seafoods sa halagang P100-P200 depende sa laki at dami ng kakain.
Papatalo naman ba ang seaweeds na patok sa mga health conscious na sa mababang halaga ay
iyong matitikman?

Hindi rin dapat mawala sa listahan ang malinamnam na bangus ng Dagupan na maaaring iluto sa maraming paraan tulad ng inihaw, paksiw at prito na sadyang ikakasiya ng iyong sikmura. Maswerte ang bansang Pilipinas sa hindi mabilang na magagandang tanawin at puntahan na dinarayo pa ng karamihan.

Malaking patunay dito ang naggagandahang mga beach, nagtataasang kabundukan at masasarap na pagkain ng Pangasinan na maituturing nating isang malaking paraiso ng kasiyahan. Isang paraiso at kayamanan na kailanman ay hindi sa atin maaagaw ninuman.

Read more...