Fairy tale wedding ni Mar at Korina, atbp.

“KILIG to the bones” ang anak na teenager ng aking kaibigan sa kasal nina Sen. Mar Roxas at broadcaster Korina Sanchez na dinaluhan ng libo-libo sa simbahan at pinanood sa TV ng milyon-milyon.
Para sa mga batang kababaihan, masasabing fairy tale ang kasal ng magkabiyak.
Lalo pang naging romantiko ang kasal nina Mar at Korina dahil isa sa mga ninong ay si Sen. Noynoy Aquino na dating boyfriend ng bride.
Sina Noynoy at Mar ay magkatambal sa kandidatura pagka Presidente at Bise Presidente sa 2010 election.
Tanong sa akin ng batang teenager, “Tito Mon, ano kaya ang naramdaman ni Korina na ang kanyang dating boyfriend ay kanyang ninong sa kasal?”
“Ah, hija,” ang sabi ko, “tanungin mo na lang si Korina at di ko yan masasagot.”
Mabuhay ang bagong kasal na sina Mar at Korina!
Mabuhay si Kuya Noy!
*                  *                                 *
Magandang halimbawa ang ipinakita nina Mar at Korina sa hindi nila pagbigay ng marangyang piging pagkatapos ng kanilang kasal.
Ipinagpaliban nila ang nuptial banquet dahil marami sa ating mga kababayan ang naghihirap at nagdurusa dulot ng dagok ng dalawang magkasunod na bagyong “Ondoy” at “Pepeng.”
Bakit nga naman magsasaya sa gitna ng kahirapan.
Ibang-iba sina Mar at Korina kay Pangulong Gloria na nagpakasasa sa New York at Washington D.C. noong huling bumisita ito sa Estados Unidos habang naghihirap ang bayan.
Lumamon ng masasarap na pagkain ang ating Pangulo, sampu ng kanyang mga alipores, sa mamahaling restoran sa New York at Washington.
Malaki ang ginastos ng bayan sa pagpapalamon kina Aling Gloria kanyang mga alipores.
Di na sila nahiya sa kanilang ginawa.
Sana’y nabulunan sila habang lumalamon.
*                 *                                  *
Kahapon sana inanunsiyo ni Sen. Chiz Escudero ang kanyang kandidatura para Pangulo, pero di niya ito ginawa.
Bakit?
Sabi ng aking espiya sa kampo ni Escudero, baka hindi na tumakbo si Chiz.
Ilan sa kanyang mga advisers ang nagsabi sa kanya na ipagpaliban muna ang kanyang balak na tumakbo sa 2010 dahil malakas ang kalaban.
Sa mga surveys na ginawa sa mga “presidentiables,” nakuha ni Sen. Noynoy Aquino ang 50 percent of the votes, at ang remaining 50 percent ay pinaghati-hatian ng ibang mga possible presidential candidates.
Mahirap na raw mahabol si Noynoy na bugtong na anak ni Sen. Ninoy Aquino at former President Cory.
*          *                                     *
Masyadong bata si Chiz para maging pangulo ng bansa.
Tumuntong lang siya ng 40 nitong buwan ng Oktubre, making him eligible to run for the presidency.
Kapag naghintay siya hanggang sa next presidential election ng 2016, at nanalo siya, bata pa rin siya para maging pangulo sa edad na 46.
Bakit nga ba apurado si Chiz?
*              *                                    *
Nagtataka raw ang mga foreign experts kung bakit nagkaroon ng leptospirosis outbreak sa Metro Manila, sa Rizal at ibang parte ng Luzon sanhi ng pagbaha gawa ng bagyong “Ondoy” at “Pepeng.”
Ang leptospirosis, na kumitil na ng maraming buhay, ay isang infectious disease na nakuha sa paglusong sa baha na may ihi ng daga.
Sa Pilipinas lang ang kauna-unahang nagkaroon ng leptospirosis outbreak sa buong mundo.
Ang leptospirosis germs ay nabubuhay sa masyadong maruruming lugar na binabahayan ng mga daga.
Masakit mang sabihin pero kundi tayo mga “baboy” hindi magkakaroon ng leptospirosis.

Mon Tulfo, Target ni Tulfo
BANDERA, 102909

Read more...