Xian sa bashers: Masakit ‘yung ginagawa nila pero mas gusto kong nandiyan sila!

xian lim

BIG surprise ang inihanda ng rumored couple na sina Xian Lim at Kim Chiu para sa kanilang mga tagasuporta sa first major concert ng Kapamilya actor titled “#A Date With Xian”.

Ayon sa binata, first time raw nilang gagawin ni Kim ang production number na pine-prepare nila na siguradong ikatutuwa ng kanilang fans, “Expect n’yo na lang na ‘yung mga itini-tweet niyo sa amin na ‘Sana ito ang gawin nila.’ Hindi pa namin ito nagagawa na kami lang. Never kaming nagsama sa ganitong prod,” ani Xian sa media conference ng “#A Date With Xian” kamakalawa.

Bukod dito, marami pa raw kailangang abangan ang manonood sa concert ni Xian sa July 9 sa KIA Theater sa Cubao, kabilang na ang pagtugtog niya ng piano, gitara at marami pang iba. In fairness, hands on ang binata sa kanyang concert, mula sa kanyang special guests, repertoir hanggang sa tema at sa mga damit na isusuot niya sa show ay talagang involved siya.

Inamin din ng aktor na isang paglabas sa kanyang comfort zone ang desisyon niyang mag-concert, “Yes, I’ve decided to stay out of my comfort zone. Ayoko na talaga na makita nila ‘yung dati na usually na nakikita nila. I want this to be personal kaya #A Date With Xian rin ang ginawa naming title ng show.”

Sinisiguro rin ng binata na ibang-ibang Xian ang mapapanood nila on stage, “Hindi pa kasi nila ako nakita mag-perform onstage. Usually kapag nakikita nila ako isang number lang kasama ng ibang artists. Ngayon, yung buong show eh nandoon ako and involved ako sa buong show.”

Bukod kay Kim, makakasama rin sa concert sina Richard Poon, Morissette, Abra at ang magaling na dancer at former PBB housemate na si Dawn Chang na siyang makakasama ni Xian sa ilang pasabog na dance number.

Natanong ang Kapamilya actor kung ano ang masasabi niya sa mga kumukuwestiyon sa pagiging singer niya at nang-nenega sa kanyang concert? “Well tanggap ko naman na I’m not the best singer out there but may nakita akong quote and i-share ko nga ito sa ibang artists. Sabi ng quote ‘You can be the sweetest peach but there’s always gonna be someone that hates peach.’”

Inamin ni Xian na naaapektuhan pa rin siya sa bashers, pero tina-try niyang gawing positive ang mga ito, “Tulad ng lagi kong sinasabi, mas gusto ko nga na nandiyan sila para alam ko what to work on. Kasi kapag wala na sila kampante na lang ako. Maganda ‘yung nasasaktan, it makes me stronger.”

Sa tanong naman kung sino ang ilan sa mga musical influence niya, gustung-gusto niya raw si Michael Buble na kahit hindi biritero ay may kakaibang appeal sa mga tao kapag kumakanta. Dagdag pa niya, “Pero ang isa sa mga wish ko, sana maging isa akong Sir Martin Nievera, idol na idol ko kasi sya and aside from that gustong-gusto ko talaga yung mga kanta ni sir Martin pati yung kay Sir Gary V.”

Mapapanood na ang “#A Date With Xian” sa July 9, Sabado, sa KIA Theater, Cubao, sa direksiyon ni Alco Guerrero at sa musical direction ni Chino David ng Silent Sanctuary. For ticket inquiries, call lang kayo sa 911-5555 or mag-log in sa www.ticketnet.com. Ticket prices are 3,710 for VIP, 3,180 for Orchestra A, 2,650 for Orchestra B, 1,400 for loge and 800 for balcony.

Read more...