Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
7 p.m. Gilas Pilipinas vs Turkey
MULING masusukat ang kahandaan ng Gilas Pilipinas laban sa world-class na kumpetisyon sa pagharap sa Turkey sa kanilang huling tune-up game ngayong Biyernes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum bago ang FIBA Olympic Qualifying Tournament na gaganapin sa Mall of Asia Arena.
Nakatikim ng tambakang pagkatalo ang mga Pinoy cagers laban sa Turks dalawang linggo na ang nakalipas sa Istanbul matapos na mabigong makabangon buhat sa malamyang panimula at umaasa ang Gilas Pilipinas na mas magiging dikitan ang laban nila ngayon kumpara sa 103-68 pagkatalong nalasap nito.
“It will be good playing in front of the home folks,” sabi ni PH 5 head coach Tab Baldwin sa panayam ng Inquirer kahapon bago ang kanilang team practice. “We need to play with energy, more smarts than we did in Europe (in that 35-point loss).”
“We need to make them (Turks) adjust to our speed and quickness and not be overwhelmed by their size,” sabi pa ni Baldwin, na inaming nakatutok sila sa napipintong pagharap sa France.
Ang alas-7 ng gabi na laban ay ang ikalimang laro ng Team Philippines magmula ng buuin ni Baldwin ang koponan anim na linggo na ang nakalipas.
Ang Gilas ay may 2-2 karta matapos magwagi sa Iran sa Maynila at China sa Italy kung saan ang Chinese team ay hindi ginamit ang NBA veteran na si Yi Jianlian at si Houston Rockets draft pick Zhou Qi.
Maliban sa pagkatalo sa Turkey, tinambakan din ng Italy ang Pilipinas, 106-70, sa kanilang four-nation pocket tournament sa Bologna nitong nakaraang linggo.
At ngayong gabi ay isasalang ng Gilas ang kanilang lineup na isasabak sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na gaganapin sa Hulyo 5-10 kung saan makakaharap nila ang France at New Zealand sa first round.