“NAKAKAPANGINIG naman ‘to!” bulalas ni Michael Pangilinan nang mag-rehearse sila ni Ms. Verni Varga para sa “Kahit Isang Saglit” duet nila sa 8th Note Studios the other day.
“Akala ko kasi ay okay-okay lang. Sanay naman kasi akong makasama sa shows ko ang magagaling na singers pero nang bumuka na ang bibig ni Tita Verni, bigla akong nanghina.
“Iba kasi ang hagod niya. Parang nakaka-intimidate. Para akong nilalamon ng buhay. Wala pa sa stage iyan ha, rehearsal pa lang at nakaupo pa siya. Iba pala talaga ang dating niya sa kantahan. Sana malagpasan ko ang malaking pagsubok na ito. Puwede bang siya na lang ang kumanta at manonood na lang siya?” biro ni Michael na sa totoo lang, ngayon ko lang nakitaan ng ganitong kaba.
Anyway, alam naman nating sobrang busy ni Michael nitong past months at ang pinaka-latest niyang pinagkakaabalahan ay ang kanilang “Full Tank” concert with Prima Diva Billy sa Teatrino (Promenade, Greenhills) today, Friday, July 1 at 9 p.m.. Makakasama nila as guests dito ang former X-Factor co-finalists niyang sina Gab Maturan, Allen Sta. Maria with grand winner KZ Tandingan. Sasali rin sa show ang kasamahan ni Prima Diva Billy sa Dubai na si Daniel Bautista along with Hashtag member Nikko Seagal Natividad at ang magaling na komedyanang si Boobsie Wonderland.
At siyempre, ang napakagaling ngang si Ms. Verni Varga. Front act are the famous gay impersonators known to many as Pink Mannequins, with Ivan Lee Espinosa as the musical director with Joey Nombres sa lights.
“Marami akong bagong kantang inaaral dito, marami kaming prod numbers ng mga kasama ko sa X-Factor dati. Parang reunion na rin namin ito. Pero sabi ko nga, ang pinakamatinding challenge sa akin dito ay ang duet namin ni Ms. Verni sa ‘Kahit Isang Saglit’, sana magawa ko nang tama!” ani Michael.
“I will also do my version of Labrinth’s ‘Jealous as requested by me of course dahil favorite ko itong hugutan kapag disappointed ako sa lovelife ko. Ha-hahaha!
“Mukhang may hugot factor kasi ang manager ko kaya pinakiusapan niya akong kantahin ito. Baka meron lang siyang pinagdadaanan at ako ang ginagawang sangkalan through this Labrinth song. Ha-hahaha!” ang pagbubuko pa niya sa akin. Hmp!