NAGPUNTA sa isang sosyaling mall ang isang female personality. Meron siyang hinahanap na brand ng make-up, pero mukhang wala sa inikutan niyang mga shops, kaya mahahalata ang kanyang pagkainis.
Pero bago pa man siya nag-ikot ay napansin agad ng mga nandu’n na talagang palaging nakasimangot ang babaeng personalidad. Napakamahal ng kanyang ngiti, sabi ng mga nandu’n, dahil palaging nakalukot ang kanyang face.
Kuwento ng isang source na nakakita sa young singer-actress, “Palagi siyang nakabusangot. Para siyang nakakaamoy ng kung anong mabaho. Nakasunod sa kanya ang PA niya, hindi niya sinasabayan, para siyang may alagang aso na bumubuntut-buntot sa kanya.
“Ang nakakaloka, alam niya naman na public figure siya, kaya kahit meron siyang ikinaiinis, dapat lang naman na gantihan ng ngiti ang mga bumabati sa kanya. “Pero waley! Ni hindi siya namamansin, nakasimangot pa rin siya, parang naglalakad lang siya sa loob ng bahay nila na walang paki sa paligid niya!” naiinis na kuwento ng aming source.
Kahit sa linya ng kanyang trabaho ay may mga naiinis sa young singer-actress, palagi siyang nale-late sa kanilang calltime, pero ni hindi man lang siya nagso-sorry sa mga naaabala niya. “Parang wala lang, wala sa vocabulary niya ang manghingi ng dispensa, samantalang ang dami-daming naaabala nang dahil sa kanya. Darating siya na parang utang na loob pa ng mga kasamahan niya ang pagiging late niya!
“Ganu’n ang babaeng ‘yun, kaya tingnan n’yo, hanggang sa nilundagan niyang network, e, marami pa ring naiinis sa kanya! Bradly Guevarra, makatas ba ang kuwentong ito? Makatas ba?” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source.