“THE boy who cried wolf!” Ikinakambal ngayon ng mga kababayan natin ang pamosong linyang ‘yun kay Baron Geisler. Mula raw ngayon ay wala na silang paniniwalaang salita ng magaling na aktor dahil gimik lang pala ang lahat ng mga pinagsasasabi niya.
Totoong basagulero si Baron kapag nakakainom na siya, ang mabait na aktor ay nagmimistulang demonyo, hinahamon niya ng away ang kahit sinong mapagtripan niya. Pasalamat nga si Baron at hindi siya pinapatulan ng mga Pinoy na pinagtitripan niya. Iniisip na lang ng mga ito na lasing siya, matapang lang kapag nasasayaran ng alak ang lalamunan, pero kapag wala namang karga ay tahimik lang siya.
Tapos na ang upakan nila ni Kiko Matos na idineklarang harang ng mga kababayan nating nanood sa kanilang salpukan. Dalawang round lang ang laban, nagkaupakan talaga sila, pero ang ending ay draw ang resulta. Ipinagpalagay ng marami na ang pagtutungayaw nila nu’ng mga nakaraang linggo na mas masahol pa sila sa mga palengkerang putak ng putak ay isang malaking publisidad lamang sa kanilang laban.
Hindi na raw nila kakagatin pa ang kahit anong palutang ngayon ni Baron, kinokomersiyo na raw kasi ng aktor ang kanyang mga ginagawa, kulang na kulang daw sa pansin ang magaling pa namang aktor na basagulero. Sana’y tutukan na lang ni Baron Geisler ang pag-arte na balwarte niya talaga. Huwag na siyang nakikipagsukatan ng lakas dahil hindi naman siya nakilalang atleta.