Ang mga iiyak sa pagpasok ni Digong

DALAWANG tulog na lang at Pangulo na si Rodrigo “Digong” Duterte.

Kahapon ay nagpaalam na si Mayor Digong sa kanyang mga opisyal at empleyado sa Davao City Hall sa flag ceremony.

Marami raw umiyak dahil sa lungkot, pero wala naman silang dahilan magtangis dahil nandiyan naman ang anak ni Mano Digong na si Inday Sara na nahalal muli bilang mayor.

Ang mga dapat talagang umiyak ay ang mga drug lords, drug dealers, drug pushers at maging mga drug addicts na ayaw magparehab dahil malapit na silang maging residente ng sementeryo.

Ituturing ang mga adik maihalintulad na rin ng mababang-uri na tao sa kanilang mga suppliers ng droga.

Ang iba pang dapat umiyak ay mga abusadong pulis at yung mga nagbibigay proteksiyon sa mga sindikato ng droga at krimen.

Ang mga magnanakaw, guns-for-hire, kidnappers at rapists ay dapat ding umiyak.

Yung mga bandidong Abu Sayyaf ay dapat ding umiyak dahil hahabulin sila ni Duterte.

Ang mga kurakot sa gobyerno ay dapat ding umiyak.

Hindi nga papatayin ang mga kurakot sa gobyerno— gaya ng mga nabanggit na pusakal na mga kriminal—pero ipahihiya sila ni Digong sa publiko.

“Pu——-na ninyo. Pakauwawan gyud ta mo (Mga pu—–na ninyo, ipahihiya ko kayo).

Para na ring pinatay yung mga garapal na nangungurakot sa gobyerno dahil sa kahihiyan na idudulot nila sa kanilang mga mahal sa buhay kapag sila’y na-expose.

Ang pinatatamaan ni Digong ay yung mga taga Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs.

Yan ang “tunay na pagbabago” na sinasabi ni Digong.

Yung mga bleeding hearts at human rights advocates, pagbigyan naman ninyo si Digong na isagawa ang kanyang mga pagsasalvage sa mga masasamang-loob.

Wala naman kayong ginawa habang ang mga kriminal ay nagpakasasa dahil sa mga korap na mahistado.

Mas pinapanigan pa ninyo ang mga kriminal sa kanilang mga biktima at sinisigaw ninyo ang “due process.”

Nakalimutan ninyo na ang mga biktima ay meron ding karapatang pantao at karapatan sa ilalim ng Saligang Batas.

Mangilan-ngilan lang ang inimbita na private individuals sa inauguration ni Mano Digong.

Ang mga kakilala ko na inimbita ay sina Ramon S. Ang, Paul Cuyegkeng at Danny Corral.

Si Ang ay president at CEO ng San Miguel Corp.

Si Cuyegkeng ay may-ari at president ng Sumifru, isang korporasyon na sa Davao City na nagtatanim at nagi-export ng saging sa Japan , Korea at China .
Si Corral ay isang sugar importer.

Congratulations sa aking kaibigang si George “Bugoy” Goking sa kanyang pagkakapanalo ng isang puwesto sa Cagayan de Oro City Council.

Si Councilor-elect George ay tinatawag kong bugoy dahil kahit na siya’y sa angkan ng mayamang Chinese-Filipino, ang puso niya ay sa mga mahihirap kung saan nanggagaling ang mga bugoy.

Si George lang siguro ang nanalo bilang city councilor na hindi nangampanya at wala masyadong ginastos na pera dahil mahal siya ng mahihirap.

Si Goking ay mapagkawanggawa.

Nag-aral si George sa Xavier University (Ateneo de Cagayan), pero siya’y master sergeant sa Philippine Air Force reserve.

Kahit na qualified si George na maging officer dahil siya’y nakatapos ng kolehiyo, nag-aplay si George bilang enlisted man dahil siya’y mapagkumbaba.

Bugoy gyud!

Read more...