BINIGYANG prestihiyo ng “small but terrible” na si Joan Masangkay ang Pilipinas matapos itala ang bagong deadlift world record sa pagbuhat nito sa 110.5 kilograms tungo sa gintong medalya sa women’s 43kg sub-junior division ng 2016 World Classic Powerlifting Championships na ginanap nitong Hunyo 19-26 sa Killeen, Texas, USA.
Ginulat ng 4-foot-10 Filipina na tubong-Masbate at residente ng Quezon City na si Masangkay ang lahat na inakala na tapos na ang labanan nang iangat ni Alina Chashchyna ng Belarus ang 110 kilograms na isa na ring pandaigdigang marka.
Gayunman, hindi nagpatalo si Masangkay upang tabunan ang marka at ilagay ang bandila ng Pilipinas sa talaan ng mga rekord.
Unang nakipagkasundo si Masangkay kina Powerlifting Association of the Philippines president/coach Eddie Torres, director Cirilo Dayao at assistant coach Leslie Evangelista na magdagdag ng kalahating kilo sa kanyang third and final attempt upang biguin ang mga malalaking bansa tulad ng USA, Russia, Japan at Belarus.
Lalo pang lumakas ang loob niya nang ipangalandakan ng emcee na, “It’s a serious question of the day if Joan Masangkay can lift this 110.5 kilograms” na pinagtagumpayan nga nito at tumabon sa nagawa ng Belarusian sa kasiyahan ng nakararami dahil sa pagkadehado sa height ni Masangkay.
Nakuha rin ni Masangkay ang bronze medal sa squat competition sa pamamagitan ng pagbuhat ng 85 kilograms kung saan nakasungkit din ang kababayan nitong si Veronica Ompod ng gold medal sa squat-90kg na kabraket din nito at ang panghuling event na open division.
Unang nagsibuhat ang iba pang mga karibal ng Pinay hoister na sina Miya Shimizu ng Japan (77.5 kgs), Ompod (100 kgs), Brianna Morrison ng Estados Unidos (102.5 kgs) at Olga Volynskaia ng Russia (107.5 kgs).
“Sa awa po ng Diyos okay naman ang mga naging paghihirap at sakripisyo namin sa training dahil nakakuha tayo ng dalawang golds. Inaalay ko po sa ating bagong Pangulong Rodrigo Duterte, sa mamayang Pilipino at sa aking pamilya ito,” sambit ni Masangkay kahapon.
May silver medal pa si Leslie Evangelista sa Open men’s 47kg category samantalang maski nakapagsulat ng mga bagong rekord sa Asian at national sa deadlift ay fourth place lang ang kinalagakan ni Jeremy Reign Bautista sa 52kg sub-junior category squat, bench press at total.
May 733 powerlifters ang bumahagi sa weeklong meet na ang iba pa ay buhat sa Australia, Canada, Germany, Great Britain, Ukraine, Singapore, Ireland at Sweden.