Mga Laro Ngayon
(San Juan Arena)
9 a.m. MIT vs JRU (jrs)
10:45 am SBC vs CSJL (jrs)
12:30 pm UPHSD vs AU (jrs)
2:15 pm SSC-R vs CSB (jrs)
4:00 pm EAC vs LPU (jrs)
UMALAGWA sa natitirang 2:28 minuto ng laro ang Arellano University Chiefs upang agad palasapin ng kabiguan ang University of Perpetual Help Altas, 83-78, kahapon upang makisalo sa liderato ng NCAA Season 92 seniors basketball tournament sa San Juan Arena.
Abante lamang ng isang puntos, 77-76, buong kumpiyansa na isinalpak ni Zach Nicholls ang isang tres sa huling 2:28 minuto ng laro upang ibigay sa Chiefs ang apat na puntos na bentahe, 80-76, bago inilatag ang matinding depensa sa krusyal na ikaapat na yugto tungo sa maigting na panalo.
Itinulak pa ni Michael Kent Salado sa kanyang jumper ang Chiefs sa iskor na 82-76 bago hinati ni Lervin Flores ang kanyang dalawang free throws na nagtulak sa koponan sa pitong puntos na abante, 83-76, matapos na agawin ang bola mula sa Perpetual Help na tanging nakaganti lamang ng dalawang puntos sa loob ng dalawang minuto.
Pinamunuan ni Jiovani Jalalon sa kanyang 25 puntos at pitong rebounds ang Chiefs habang nag-ambag si Salado ng 14 puntos para sa Arellano na pinapaborang makakatuntong sa kampeonato.
“Pinakamahirap kasi talaga ay ang start mo sa season,” sabi ni Arellano coach Jerry Codiñera. “Medyo gigil at sabik ang mga bata but hopefully sana makasanayan nila na mahaba pa ang torneo at dapat laging maghanda.”
Kinolekta ni Flores ang kabuuang 13 rebounds sa kanyang unang laro sa NCAA para sa Chiefs na lubhang nahirapan na kontrolin ang Altas sa kabuuan ng laro.
Nagtala naman si Gab Dagangon ng 17 puntos at 15 rebounds habang si Prince Eze, na nadagdagan ang oras maglaro dahil sa pagkawala ng na-injured na sentro na si Bright Akhuetie, ay may 12 puntos at 15 rebounds para sa Altas na agad nahulog sa unang kabiguan.
Samantala, kinailangang magpakita rin ng San Sebastian College Stags ng katatagan sa huling bahagi ng laro para maungusan ang College of St. Benilde Blazers, 54-49, sa ikalawang laro.
Umiskor si Jerick Fabian ng game-high 12 puntos habang si Michael Calisaan ang tumulong para maingat ang Stags sa mga huling minuto ng laro sa paghulog ng anim sa kanyang walong puntos sa ikaapat na yugto.
Nakisalo rin ang Emilio Aguinaldo College Generals sa mga koponang nagwagi sa kanilang opening games matapos nilang patumbahin ang Lyceum of the Philippines University Pirates, 64-57, sa ikatlong laro.
Ibinuhos ni EAC guard Jorem Morada ang lahat ng kanyang 14 puntos sa ikaapat na yugto, kabilang ang dalawang 3-pointers at tatlong free throws para makalayo ang kanyang koponan.
Pinamunuan ni Hamadou Laminou ang Generals sa itinalang 16 puntos at 13 rebounds.