ISANG makabuluhang kwentuhan ang magaganap sa kauna-unahang “Kwentuhang Kapamilya” ng Maaalaala Mo Kaya sa labas ng bansa, tampok si Ms. Charo Santos at sabay-sabay na mapapanood ng mga Filipino sa buong mundo sa June 27, 8 p.m. (Manila time) sa pamamagitan ng global online premiere nito sa TFC.tv
Ang kauna-unahang bahagi ng inspirational talk series na gaganapin sa Madrid, Spain ay parte ng ika-25 na anibersaryo ng MMK sa patuloy nitong pagsalamin sa buhay ng mga Filipino. Unang ipinalabas ang longest-running drama antho-logy sa Asya noong 1991 para ikuwento ang mga pangarap, sakripisyo at tagumpay ng mga manonood. Natunghayan rin ito sa radyo at sine, nabasa sa libro at napanood din sa subtitled version nito para sa mga non-Filipino speaking viewers ng The Filipino Channel.
Sa pagpapatuloy ng selebrasyon ng MMK dadalhin nito ang kwentuhan sa Madrid upang tuwirang maririnig ang mga kuwento ng mga Filipino at naway kapupulutan din ng aral ng mga manonood sa iba’t-ibang parte ng mundo sa pamamagitan ng official online service ng TFC, ang TFC.tv.
Bahagi ito ng misyon ng programa at ng TFC na abutin ang mga Filipino, saan man sila sa mundo. Sa “Kwentuhang Kapamilya,” ang mga letter-senders mismo ang magkukuwento ng kanilang buhay, na pakikinggan ni Ms. Charo bilang patunay sa prinsipyo nitong ang mga Fi-lipino ang bida sa kanilang kuwento.
Kabahagi sa unang serye ng inspirational talk series sina ABS-CBN Europe, Middle East at Africa Managing Director Kai Rodriguez at ang TFC team sa Europe, host na si Amy Perez, singer na si Jona at Filipino community leaders.