Isla ng Alabat: Tagong paraiso ng Quezon

TRAVEL ph

KUNG ikaw ay taga-Metro Manila at kailangan mong layasan sandali ang magulo, maingay at polluted na siyudad, tiyak na kung hindi ka sa lamig ng Baguio magde-destress ay pupunta ka sa Tagaytay para humigop ng bulalo habang nakatanaw sa bulkan ng Taal o di kaya ay sa Batangas, na dikit-dikit ang mga beach resorts o sa Laguna para sa ginhawang dulot ng mga hot springs o sa Pampanga na kilala sa exotic at katakatam-takam na mga putahe.

Pwede ring magpunta ka sa Quezon dahil naroon ang mga makapagil-hiningang mga isla ng Balesin, Borawan at Cagbalete—kasingganda pero di kasinglayo ng Boracay at Coron. Maliban sa tatlong islang nabanggit, may isa pang mala-paraisong isla sa Quezon na hindi pa gaanong dinarayo ng mga lokal at banyagang turista, ang Alabat.

Mula sa bayan ng Atimonan ay matatanaw na ang Alabat, na napalilibutan ng tubig ng Lamon Bay at Pacific Ocean, pero aabutin pa ng isang oras ang biyahe sa dagat bago mo ito marating.

Alabat Port, ‘Kabila’
Pagdating sa isla ay bubungad sa iyo ang mahabang Alabat Port, ang pinakamahabang daungan ng bangka sa buong lalawigan ng Quezon. Magpahatid agad sa  Brgy.Villa Norte, kilala rin sa tawag na “Kabila”, ang pinakapopular na destinasyon sa Alabat.

Panalo ang lugar na ito pagdating sa swimming at surfing. At hindi mo kinakailangang gumastos ng malaki dahil pinapayagan ng lokal na pamahalaan ang overnight camping. Pero kung nais mong mag-stay sa resort dahil sa mga amenities, mayroong mga nago-offer ng P500 kada isang araw.

Tumilis Falls
Matatagpuan din sa  Brgy. Villa Norte ang Tumilis Falls. Dumadaloy mula sa bundok ng Camagong ang tubig ng talon na umaagos patungo sa Sitio Tumiis. Paborito itong puntahan ng mga residente at bisita, lalo na kung mainit ang panahon, dahil sa lamig ng tubig dito.

Floating cottage
Wala mang mga fastfood restaurants, marami pa ring pwedeng kainan sa Alabat. Isa na rito ang Floating Cottage restaurant na nakatayo mismo sa tubig. Sa halagang P600 ay maaari na kayong mag-enjoy ng buong pamilya o barkada habang kumakain sa gitna ng dagat. Puro fresh na laman-dagat, karne at gulay ang ihahain sa inyo kaya siguradong hindi mo mami-miss ang burger at fries.

Laing ala-Alabat
Maliban sa mga bagong-huli mula sa dagat, kakaiba rin ang panghalina ang mga native dishes ng isla. Gaya na lang ng laing at pinangat na ginagamitan ng mga kakaibang sangkap mula sa lugar.
Pasalubong? Walang problema. Nasa P200 lamang ang presyo ng organic coco sugar dito kumpara sa P500 sa Metro Manila. Makabibili ka rin dito ng tablea, banana chips, coco jam at cassava crackers.

Hindi crowded
Sa kasalukuyan ay binubuo ng humigit-kumulang na 16,000 ang populasyon ng Alabat kaya hindi masyadong okupado ang islang ito. Sa katunayan, wala pang masyadong mga sasakyan sa bayang ito kaya malinis at walang polusyon.

Bisikleta ang pangunahing transportasyon, at pagsasaka at pangingisda ang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente. Tuwing Hulyo ay ipinagdiriwang ang Coconut Festival at Fluvial Festival kaya asahan na dudumugin ito ng mga mag-uuwiang residente at mga dayo.

Di magastos
Mula Maynila ay limang oras lamang ang biyahe patungo sa isla ng Alabat. Sumakay lamang ng mga bus na dumadaan sa Atimonan at magpunta sa daungan kung saan pwede kang magpahatid pa-Alabat.
Sa halagang P4,000 ay maaari ka nang mamalagi ng dalawang araw sa isla, kasama na diyan ang pamasahe at accommodation.

Tiyak na mage-enjoy ka sa iyong biyahe sa Alabat dahil bukod sa murang halaga at mala-Boracay na island experience, masayahin ang mga taong madadatnan mo na maiinit kang tatanggapin bilang bisita.
Stressed out ka ba? Alabat lang ang katapat niyan.

(Student contributor Polytechnic University of the Philippines)

Read more...