Ilang suporter ni PNoy, Mar nasa blacklist ng Duterte camp

duterte-aquino-300x161
Hindi umano papapasukin sa super majority bloc na binubuo ng mga kaalyado ni president-elect Rodrigo Duterte ang ilang kongresista na sumuporta sa Aquino administration at kandidatura ni Mar Roxas.
     At hindi lamang umano naka-blacklist sina Caloocan Rep. Edgar Erice, Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo at Batanes Rep. Henedina Abad sa PDP-Laban, ang partido ni Duterte, pinagsabihan na rin umano ang ibang partido na bahagi ng koalisyon na huwag silang tanggapin kung lilipat.
     Lumipat na sa PDP ang ilan sa mga miyembro ng Liberal Party na pinamumunuan ni Aquino at Roxas.
     Ayon sa isang source mahigpit ang billion na ‘off limits’ sa koalisyon ang mga nabanggit kaya mapupunta ang mga ito sa minority bloc.
      Si Erice ay kilalang attack dog ng LP laban sa mga kalaban ni Roxas. Si Abad naman ay asawa ni outgoing Budget Sec. Florencio Abad at tinangka umanong isabotahe ni Romualdo ang pangangampanya ni Duterte sa kanyang probinsya.
     Nais din umano ng PDP-Laban na dumami ang kanilang mga miyembro kaya hiniling sa Nacionalista Party, Nationalist People’s Coalition, National Unity Party at Lakas-CMD na itigil ang kanilang recruitment.
     Duda naman ang ilan kung hawak ng PDP-Laban ang loyalty ng mga kongresista na lumilipat sa kanila dahil marami sa mga ito ang may pinoproteksyunang personal na interes.
     Inamin naman ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., na nagkaroon ng problema ang pagpasok ng LP sa koalisyon dahil nais ng PDP-Laban na ibaba ang kanilang bilang sa 20.
     Ang dami ng mga mambabatas sa partido ang ginagamit na batayan sa pagbibigay ng chairmanship ng mga komite.
     Hanggang ngayon ay hindi pa buo ang desisyon ni Belmonte kung siya ay magiging bahagi ng mayorya o minorya.
     Sa Hulyo 25 ang botohan ng speaker para sa 17th Congress, bago ang unang State of the Nation Address ni Duterte.
     Ang mga hindi boboto sa mananalong speaker ay magiging miyembro ng minority bloc.

Read more...