HINILING muli ni dating First Gentleman Jose Miguel “Mike” Arroyo sa Sandiganbayan na payagan siyang makabiyahe sa Japan at Hong Kong sa harap ng sari-saring kasong kinakaharap.
Sa isang mosyon, hiniling ni Arroyo sa korte na payagan siyang makapunta sa Japan mula Hulyo 20 hanggang 25 at Hong Kong mula Hulyo 25 hanggang 28.
Nangako si Arroyo na babalik sa Maynila sa Hulyo 28.
Sinabi pa ni Arroyo na pinayagan na siya ng korte na makabiyahe sa labas ng bansa at lagi siyang bumabalik para harapin ang kanyang kaso.
Nahaharap si Arroyo sa kasong graft kaugnay pagbebenta ng dalawang secondhand helicopter sa Philippine National Police (PNP).
Itinaggi rin ni Arroyo na sa kanya ang Robinsons R44 Raven I na ginamit sa kampanya ng kanyang misis na si dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo noong 2004 elections.
Kapwa akusado rin si Arroyo sa graft case ng kanyang asawa kaugnay ng $329 milyon National Broadband Network (NBN) deal sa Chinese telecommunications giant na ZTE.