Pinawalan ng mga kasapi ng Abu Sayyaf kahapon (Biyernes) sa Sulu ang Pilipinang dinukot kasama ang tatlong banyaga sa Samal Island, Davao del Norte, noong Setyembre, ayon sa militar.
Nasa kostudiya ng Joint Task Force Sulu ang kidnap victim na si Marites Flor dakong alas-12 ng tanghali para sa pagsusuring medikal, sabi ni Major Filemon Tan, tagapagsalita ng Armed Forces Western Mindanao Command.
Una dito’y natagpuan na lang si Flor sa tapat ng bahay ni Sulu Gov. Abdusakur “Totoh” Tan II sa Brgy. Asturias, Jolo, dakong alas-4 ng umaga, sabi sa Bandera ng isang military source na nakabase sa Sulu.
Kinumpirma ni Major Tan ang impormasyong ito at sinabing nai-turn over si Flor sa JTF Sulu alas-11.
Si Flor ay kabilang sa apat kataong dinukot ng mga armado sa isang resort sa Samal Island noong nakaraang Setyembre. Ang iba pa’y ang mga Canadian na sina John Ridsdel at Robert Hall, at Norwegian na si Kjartan Sekkingstad.
Pinugutan ng Abu Sayyaf si Ridsdel noong Abril 25 at Hall noong Hunyo 13, matapos mapaso ang deadline ng mga bandido para sa pagbabayad ng ransom.
Natagpuan ang ulo ni Hall sa Mt. Carmel Cathedral ng Jolo noong gabi ng Hunyo 13, pero di pa matagpuan ang kanyang katawan.
MOST READ
LATEST STORIES