IPINAKIUSAP ni outgoing Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia na sana ay ipagpapatuloy pa ng kanyang makakapalit sa puwesto na nauna nang naging lider ng ahensiya na si William “Butch” Ramirez ang mga isinasagawa nito na mga programa sa susunod na anim na taon.
Ipinaalam mismo ni Garcia, na nakatakdang makaharap si Ramirez sa Martes para sa opisyal na pagti-turnover ng liderato ng ahensiya, na malaking tulong sa pagpapalakas ng grassroots sports at paghahanap ng mga bagong atleta ng bansa ang ilan sa isinaimplementa nitong programa sa nakalipas na anim na taon.
“We hope that the coming administration would continue with the Batang Pinoy, the Philippine National Games as well some other projects like the Laro’t-Saya sa Parke where some young athletes had been discovered and was now reaping medals in major local tournaments,” sabi ni Garcia.
Ang Laro’t-Saya sa Parke ay isinasagawa base sa atas ng Pangulo habang ang Batang Pinoy na nasa batas ay kapwa suportado sa pondo mula sa General Appropriations Act. Ang Philippine National Games na para sa mga elite athletes ay mula naman sa National Sports Development Fund ng ahensiya.
Si Ramirez, na unang nagsilbi sa ahensiya noong 2005 hanggang 2009, ay tinanggap ang alok ng uupo rin na bagong pangulo na si Rodrigo Duterte upang pamunuan muli ang ahensiya at maging natatanging personahe na dalawang beses pinamunuan ang sports agency ng bansa.
Una nang sinabi ni Ramirez, na pamumunuan ang ahensiya na nagpopondo sa mga pambansang atleta at mga NSAs, na muli nitong bubuhayin ang Institute of Sports at palawigin ang mga regional training centers sa mga malalayong probinsiya na naputol matapos bumaba sa puwesto pitong taon na ang nakalipas.
“There’s an instruction from the President that we have to go to the provinces and the communities to identify more talents,’’ sabi lamang ni Ramirez, na papalitan si Garcia simula Hulyo 1.
Magkikita ang dalawa sa PSC administration office sa Hunyo 28 upang pag-usapan ang pagpapalit base na rin sa utos ni incoming Executive Secretary Salvador Medialdea.
Makakasama ni Ramirez ang dating manlalaro ng PBA na si Ramon Fernandez bilang isa sa apat na commissioner.