Sunod-sunod na pagpatay sa mga tulak, kaduda-duda

WALANG araw na walang napapatay na hinihinalang mga drug pusher. Simula nang mahalal at maideklarang susunod na pangulo ng bansa si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, kaliwa’t kanan na ang anti-drug operations ng pulisya.

At sa mga operasyong ito, hindi lang huli o pagkakaaresto ang nagaganap, kundi patayan. Nito lang weekend, sa mga inilatag na anti-drug operations sa Metro Manila at kalapit na mga probinsiya, 18 agad ang tumimbuwang na mga hinihinalang mga tulak ng droga. Hindi pa rito kasama ang mga kaganapan sa mga lalawigan sa Visayas at Mindanao.

Una nang nagpahayag ang PNP na tumaas ng 200 porsiyento ang bilang ng mga napapatay na drug pusher, mula noong Mayo 9 hanggang Hunyo 15. Karamihan sa mga ito ay napatay sa gitna ng mga operasyon ng pulisya dahil imbes na sumuko ay nakikipagbarilan ang mga ito.

Mismong si PNP Spokesman, Chief Supt. Wilben Mayor, ang nagsabi na “The reason why the suspects were killed is because they engaged in a shootout between the law enforcers and the suspects.”

Kailangan daw paputukan ang mga suspek lalo kung nakikita nilang nanganganib ang buhay ng mga pulis na nasa operasyon.

Sa sunod-sunod na operasyon na may kinalaman sa droga, tila marami ang natutuwa dahil ito nga naman daw ang hinihintay nilang pangako ni Duterte — ang wakasan ang krimen at paglaganap ng droga sa bansa.

Pero paano kung ang tunay na dahilan sa pagpatay sa mga peste ng lipunan ay para lang mapagtakpan ang ilang malalaking tao na protector naman ng operasyon ng ilegal na droga?

Marami ang nag-iisip na baka naman mga naglilinis lang ang ilang malalaking tao, kabilang na ang ilan sa pulisya, ng kanilang “sabit” para hindi na sila maikanta o maibisto kung sakaling magkaipitan na nga.

Siyempre nga naman, dead man tells no tales. Kasama nilang maililibing ang kanilang nalalaman sa operasyon ng droga na maaaring magsabit sa malalaking tao na protektor ng mga peste ng lipunan.

Hindi imposibleng may mangilan-ngilan ang “naglilinis” ngayon, lalo pa’t maski ang liderato ng PNP ay may mga minamatyagang mga kabaro nila na sabit sa ilegal na operasyon ng droga.
Hindi maaaring isawalang-bahala na ang mga sunod-sunod na pagpatay sa mga tulak ay may kinalaman sa koneksyon ng malalaking tao na sabit sa droga na ayaw mabuking.

Read more...