YARI ang mga kumpanya na may minahan sa pagkakahirang ng anti-mining advocate na si Gina Lopez bilang incoming secretary ng environment and natural resources.
Ang Department of Environment and Natural Resources o DENR ang namamahala sa mga minahan sa buong bansa.
Dahil sa balita na binibigay ni incoming President Digong kay Gina ang DENR, nagbagsakan ang share prices ng mining and oil stocks sa Philippine Stock Exchange (PSE).
Yun ay balita na ino-offer pa lang ni Digong kay Gina ang DENR; mas lalong bababa ang stocks ng mining sa pagtanggap ni Gina ng Cabinet position.
Isa sa mga kumpanya na bumagsak ang stocks ay ang Philex Mining, na kontrolado ng bilyonaryong si Manny Pangilinan.
Nagkasagutan sina Gina at Manny sa isang mining forum noong 2012 dahil sa paninindigan ni Gina laban sa mining.
Malulugi ang mining industry sa administrayon ni Duterte at sa pamamahala ni Gina sa DENR.
Lulan ako ng isang helicopter na lumipad sa kabundukan ng Davao del Norte at Compostela Valley dalawang linggo na ang nakararaan.
Itinuro sa akin ng helicopter pilot ang nakalbong bundok dulot ng minahan daw ng world boxing champion at ngayon ay bagong senador na si Manny Pacquiao.
Ang minahan ay nasa tuktok ng bundok na kinalbo at nakalbo na rin ang mga bahagi na ginawan ng daan patungong minahan.
Nakakapanghinayang ang kabundukan ng Davao del Norte at Compostela Valley dahil lamang sa gold mining ni Manny Pacquiao.
Dapat ay isara ni Gina Lopez ang minahan kapag siya’y naupo na.
Inakyat ng mga pulis ng Imus, Cavite ang bahay ng mahirap na pamilya Quilatan dahil sa isang sumbong na may baril ang isa sa kanila.
Napatunayan na hindi totoo ang sumbong.
Sinakal si Teresita Quilatan, 54, ang nanay; si Amelia, 20, kanyang manugang ay sinampal; anak na si Dennis, 15, ay sinuntok; Vincent, 10, ay tinutukan ng baril; isa pang manugang na si Sherlyn, 20, ay sinampal; Elpa, 24, ay binugbog at pagkatapos ay inaresto; at si Frederick, asawa ni Sherlyn, ay pinalo ng baril.
Hindi man lang humingi ng dispensa ang mga pulis na pinamumunuan ni SPO1 Danilo Paredes matapos sabihin sa kanila na mali ang paratang ng nag-
rereklamo.
Ayaw namang makipag-usap sa “Isumbong mo kay Tulfo” ang nakakataas sa kanila.
Binabale-wala ang reklamo ng pamilya Quilatan nina Supt. Redrico Maranan, Imus police chief; S/Supt.Eliseo Cruz, Cavite provincial director; at Chief Supt. Valfri Tabian, director ng Police Regional Office 4-A.
Dahil ba mahirap lang ang pamilya Quilatan ay puwede nang yurakan ang kanilang pagkatao?