Roxas naghain na ng SOCE

roxas
NAGSUMITE na rin ang natalong pambato ng Liberal Party (LP) na si Mar Roxas ng kanyang statement of contributions and expenditures (Soce) sa huling araw ng pinalawig na deadline matapos payagan ng Commission on Elections (Comelec) ang kanyang kahilingan.
Isinumite ng tagapagsalita ni Roxas na si Akbayan Rep. Barry Gutierrez at ang abogado ng partido na si Atty.  Romulo Macalintal ang kanyang Soce.Batay sa isinumiteng Soce ni Roxas, gumastos siya ng P487 milyon at nakatanggap ng P469 milyong kontribusyon.

Sinabi ni Gutierrez na nabalam ang pagsusumite ni Roxas ng Soce dahil sa napakaraming resibo na kailangang i-scan at i-attach sa mga dokumento.

“Roxas wanted to give an accurate and truthful report “in compliance with the rules and in the interest of complete transparency,” sabi ni Gutierrez.

Nauna nang humiling si Roxas ng 14-na-araw na palugit matapos mabigong makapagsumite ng Soce sa itinakdang deadline noong Hunyo 8.

Binatikos naman ang Comelec matapos ang desisuon nito na palawigin pa ang deadline. Inakusahan ang poll body ng pagbibigay ng special treatment kay Roxas.

Naging dahilan din ito para magbitiw sa puwesto si Commissioner Christopher Lim bilang campaign finance office head ng Comelec dahil sa hindi katanggap-tanggap na desisyon ng poll body.

Si Roxas ang tanging kandidato sa pagkapangulo ang hindi nakapagsumite ng Soce sa itinakdang deadline.

Pangalawa naman si Roxas sa pinakamalaking nagastos sa nakaraang eleksiyon, sumunod kay Sen. Grace Poe. Gumastos si Poe ng P510,845,262.56  tumanggap ng  P511,950,000 mula sa mga donor.

Read more...