Anim pang hinihinalang tulak ng shabu ang napatay nang umano’y makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng operasyon kontra iligal na droga sa Cavite at Laguna Martes at Miyerkules, ayon sa pulisya.
Napatay sa pinakahuling operasyon kahapon ang tatlong hinihinalang pusher sa Netherland st., Country Meadow Subd., Brgy. San Francisco, General Trias, Cavite.
Dadakpin sana ng mga pulis si Evan Sevilla sa bisa ng arrest warrant alas-12:20 ng madaling-araw, nang abutan siyang nakikipag-“pot session” sa dalawang kasabwat, ayon sa ulat ng Cavite provincial police.
Pinaputukan umano ng tatlo ang mga operatiba nang matunugan ang kanilang pagdating, kaya gumanti ang mga pulis.
Narekober kay Sevilla at dalawa niyang kasama ang tatlong kalibre-.38 revolver, mga sahcet ng hinihinalang shabu, at drug paraphernalia.
Alas-10:35 ng gabi Martes naman ay napatay naman ng mga pulis ang hinihinalang drug pusher na si Jerry Abundo sa Brgy. Muzon 1, Rosario. Nakuhaan ang suspek ng kalibre-.38 pistola.
Ilang minuto lang bago ito, dakong alas-10:30, napatay din ang hinihinalang drug pusher na nakilala lang sa alyas na “Orly” sa Tulip st., Villa Esperanza, Brgy. Molino 2, Bacoor City.
Nagsagawa ang mga pulis ng buy-bust operation para madakip si “Orly,” pero nauwi ito sa barilan.
Nakuhaan ang suspek ng isang kalibre-.45 pistola na may limang bala, dalawang sachet ng hinihinalang shabu, P700 na buy-bust money, at drug paraphernalia.
Dakong alas-3:15 naman ng umaga, napatay din sa buy-bust operation ang hinihinalang pusher na si Jommel Cambel sa Sitio 2, Brgy. Oogong, Santa Cruz, Laguna.
Matapos bentahan ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu ang isang police poseur-buyer ay nanakbo sa loob ng bahay si Cambel at pinaputukan ang operatiba, na kagyat namang gumanti, ayon sa Laguna provincial police.
Narekober kay Cambel, na number 6 sa drug watchlist ng Santa Cruz, ang P200 marked money, apat na sachet ng hinihinalang shabu, kalibre-.38 revolver, aluminum foil na may shabu residue, at ilan pang nilukot na piraso ng foil. (John Roson)
– end –
READ NEXT
Finance Secretary Purisima pinakamayamang miyembro ng Gabinete ni PNoy; Luistro, pinakamahirap
MOST READ
LATEST STORIES