NA-BASH nang husto si Aiza Seguerra matapos kumalat ang balita na balak daw ni President-elect Rodrigo Duterte na bigyan siya ng posisyon sa gobyerno.
Ayon sa ulat, plano ni incoming President Duterte na i-appoint ang singer-actor bilang pinuno ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA). May mga netizens na nagsabi na hindi dapat bigyan ng posisyon sa pamahalaan si Aiza dahil sa pagiging die hard supporter ni Digong. Sana’y pairalin daw nito ang delicadeza at huwag tanggapin ang anumang iaalok sa kanya ng bagong administrasyon.
Ayon pa sa isang basher, “Para patunayang wala siyang hinihintay na kapalit sa pagsuporta sa kandidatura ni Duterte dapat huwag siyang tumanggap ng anumang position in government. Of course, iisipin ng mga tao na iyon ang kapalit ng lahat ng ginawa niyang pagtulong noong kampanya, konting hiya naman!”
Pero may nagtanggol naman kay Aiza tungkol sa isyu. Wala raw silang nakikitang masama kung bigyan ni Digong si Aiza ng posisyon sa kanyang administrasyon, kung feeling niya malaki ang maitutulong ng singer sa NCCA, bakit naman hindi niya ito gagawin. Nang matanong naman si Aiza tungkol dito, nilinaw niyang humingi lang ng tulong si Duterte sa kanila ni Liza Dino sa pagsusulong ng arts and culture sa bansa.
“Hindi po ako appointed ni Mayor. The President asked to help in arts and culture so kami, in response to this, are currently consulting with various cultural workers and members of the academe to draft a consolidated and comprehensive agenda to present to the President,” ayon kay Aiza sa ipinadala nitong statament. Hirit pa ng award-winning singer, “Wala po kaming personal agenda about doing this.”
Kumalat ang ispekulasyon na magiging commissioner siya ng NCCA matapos ngang mapabalita na nakipag-meeting na sila ni Liza kay Duterte sa Davao City last week.