Pag-aalboruto ng Kanlaon hindi pa titigil

Posible umanong masundan pa ang mga pagsabog sa Mt. Kanlaon sa Negros, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
     Ayon kay Phivolcs director Renato Solidum ang mga pagsabog na ito ay sanhi ng steam na nalilikha dahil sa pagbagsak ng tubig sa mainit na magma.
     Upang mas madaling maintindihan, ikinumpara niya ito sa kaldero na ginagamit sa pagsasaing. Kapag matagal ng kumukulo at naipon ang steam sa loob ay umaangat ang takip at nakalalabas ang pressure.
      Alas-9:19 ng umaga noong Sabado ay muling nagbuga ng abo ang Kanlaon. Tumagal ito ng 27 minuto. Nagresulta ito sa magkakasunod na explosion-type earthquakes na tumagal ng 30 segundo, 42 segundo at 29 segundo.
      Sa unang pagsabog ay nagbugo ito ng kulay gray at puting steam na may halong abo. Umangat ito ng 1.5 kilometro. Nasundan ito ng pagsabog kung saan lumabas ang maitim na abo at umabot sa taas na 500 metro.
     Ang ikatlo ay maitim na abo na may taas na 500 metro.
     Ang pagsabog ay narinig sa Sto. Guintubdan, Brgy. Ara-al, at La Carlota City. 
     Nagkaroon din ng ash fall sa Brgy. Ara-al, Brgy. San Miguel at Brgy. Yuba sa La Carlota City, Brgy. Sag-ang, La Castellana, at Brgy. Ilijan, sa Bago City, Negros Occidental.
      Nagkaroon din ng sulfuric odor sa Brgy. Ara-al, La Carlota City.
      Hanggang kahapon ng umaga ay nakapagtala ang Phivolcs ng walong volcanic earthquakes at explosion-type earthquakes.
     Nagbuga ito ng puting usok na umabot ng 400 metro.
     Nananatili ang Alert Level 1 sa Kanlaon na nangangahulugan na pinagbabawalan ang pagpasok sa apat na kilometrong Permanent Danger Zone.

Read more...