Vina sa mga kasong libelo na isasampa ni Cedric: Ayokong lagi na lang natatakot!!!

vina morales at cedric lee

MARAMING hindi nagkakagusto sa ginawang pa-cute na pagsumbong ni Vina Morales kay Robin Padilla tungkol sa pinagdadaanan niyang problema ngayon sa ama ng kanyang anak na si Cedric Lee. Sana raw ay hindi na lang ‘yun ginawa ng singer-actress dahil meron nang asawa ang lalaking nakarelasyon niya nu’ng batambata pa siya.

Kilala pa namang selosa si Mariel Rodriguez, puwede nitong isipin na may kulay ang pagsusumbong niya sa action star, hindi raw alam ni Vina kung saan siya lulugar. Pero nagpaliwanag naman agad si Vina, ayon sa problemadong singer-actress ay pabiro lang naman ang pagsusumbong niya, walang kamali-malisya ‘yun na sapat para magselos si Mariel.

Sa pinakamahabang panahon ay walang narinig ang publiko mula nang magkahiwalay si Vina at ang ama ni Ceana, ngayon lang siya lumantad para kontrahin ang negosyante, lahat ng kanyang ginagawa ngayon ayon kay Vina ay para sa kapakanan ng kanyang anak.

Sinampahan na ng asunto ni Vina ang businessman, babalikan naman siya ng apat na kaso ng libelo ni Cedric Lee, pati ang kapatid nito na diumano’y nasaktan sa mga naging pahayag ng singer-actress nitong mga huling araw. “Kailangan kong magpakatatag para sa welfare ng anak ko. Hindi puwedeng palagi na lang akong natatakot,” madiin pang pahayag ni Vina Morales.

Read more...