SAMPUNG batalyon o 5,000 sundalo ang nai-deploy na sa Sulu upang tugisin ang mga bandidong Abu Sayyaf na namugot ng dalawang Canadian hostages matapos hindi sila mabigyan ng ransom.
Kahit na 100 batalyon o 50,000 sundalo ang ide-deploy sa Sulu, hindi mahuhuli ang mga Abu Sayyaf.
Alam ninyo kung bakit? Dahil ang mga bandido ay tinatago at sinusuportahan ng kapwa nila Tausug.
Ang solusyon diyan ay isailalim ang Sulu sa martial law o batas militar.
Huwag paalisin o papasukin ang mga tao o kasangkapan o pagkain sa Sulu na gumagamit ng barko.
Kailangang paligiran ng mga Navy ships at maraming kumpit na may naka-mount na machine gun ang Sulu.
Ang kumpit ay lubhang mabibilis na lantsa na ginagamit ng mga Tausug sa pagdala ng mga barter trade goods galing ng Sabah.
Ang mga lantsa o barko na lalabas o papasok sa island province ay kailangang palubugin kapag ayaw tumigil ang mga ito kapag sinita.
Ang Armed Forces ay puwedeng magsagawa ng hamletting, isang strategy na hinihiwalay ang mga naninirahan sa isang baryo sa mga armadong grupo.
Nagamit ang hamletting ng mga British noong kampanya laban sa mga insurgents sa Malaya (na ngayon ay Malaysia) noong dekada ’50.
Naging matagumpay ang hamletting.
Dahil wala nang nagbibigay sa kanila ng pagkain at moral support, sumurender ang mga Malayan insurgents kung hindi pa sila napatay ng government troops sa bakbakan.
Kailangang magbigay ng malaking pabuya ang gobyerno sa mga taong makakapagturo sa mga bandidong Abu Sayyaf sa mga baryo na isailalim sa hamletting.
Kung nagtatago ang miyembro ng Abu Sayyaf sa ibang lugar, puwede nang ikustodiya at gawing palit-ulo ang kanilang mga kamag-anak.
Ang reward money ay manggagaling sa military intelligence fund.
Siyempre, ang hamletting program ay dapat alisin matapos mapatay o mahuli ang lahat ng mga bandidong Abu Sayyaf.
Kapag nahuli ang mga Abu Sayyaf, maituturo ng ilan sa kanila ang mga local officials, police officials at matataas na opisyal ng militar ng Sulu na nagbibigay proteksiyon sa mga bandido.
Noong panahon ng negosasyon para sa mga hostages na nakidnap sa resort hotel sa Sipadan, Malaysia, noong panahon ni Pangulong Erap, milyon-milyong dolyar ang binigay ni Libyan strongman Muammar Khadaffy upang mapalaya ang mga European hostages.
Alam ba ninyo na maliit ang nakuha ng mga Abu Sayyaf noon?
Ang bulto raw ng ransom money ay napunta sa mga local officials at police officials ng Sulu, at maging sa isang Cabinet member ni Erap.
Kailangang maituro ang mga local officials ng Sulu na nakikinabang sa mga Abu Sayyaf.
Pinalitan na si incoming presidential spokesman na si Salvador Panelo at inilipat bilang presidential legal adviser.
Si Panelo ay isang abogado na walang ipinanalong kaso sa korte.
Walang kuwentang presidential spokesman si Panelo.
Sa halip na ipaglapit ni Panelo si Digong sa media, ginagatungan pa ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng opinyon na nakakalaki ng sunog, ‘ika nga.
Good riddance. Mabuti’t natanggal na si Panelo.