Veteran actress siningil ng P200 sa parking nagtatalak; kawawang attendant nag-abono

BLIND ITEM FEMALE 0429

MUKHANG nagiging malilimutin na ang beteranang aktres. Hindi na kasi niya matandaan kung saan niya nailagay ang parking ticket noong Hunyo 1 (4 p.m.) matapos siyang dumalo sa isang story conference sa ABS-CBN building.

Kasama ni veteran actress that time ang pamangkin niya na nagda-drive sa bagong sasakyan nitong SUV (hindi na namin babanggitin ang brand). Pagkalipas ng mahigit dalawang oras ay lumabas ang beteranang aktres na nagmamadali at sabay sabi sa pamangkin na kunin na ang sasakyan dahil may lakad pa sila.

Kuwento ng mga nakakita at nakarinig ay tumatalak daw ang aktres sa parking attendant sa ELJ Building dahil sinisingil daw siya ng P200 plus, bakit daw sobrang mahal gayung sandali lang naman daw silang nag-park.

Base sa kuwento ng isang saksi, “Nawala po ni _____ (beteranang aktres) ‘yung parking ticket, e, pag nawala ‘yun, P200 ang bayad, nakasulat naman ‘yun sa gilid na pag lost ticket, P200 ang fine. “Tapos, ‘yung huling parking yata niya, may kulang siyang P75 kaya more than P200 ‘yung sinisingil ng parking attendant),” sabi pa sa amin.

Pero pinipilit daw ng beteranang aktres na inilapag niya ang parking ticket niya sa counter, “Sabi nga nu’ng attendant, may CCTV sila at puwedeng ipakita mismo sa kanya na wala siyang iniabot o inilapag doon, pero ayaw pa rin niyang pumayag, galit pa rin at sabay alis na. Hinabol siya nu’ng parking attendant, pero hindi na siya naabutan,” kuwento pa sa amin.

Pinuntahan namin ang parking attendant na nakasagutan ng beteranang aktres at tinanong namin ang tungkol dito pero ayaw na niyang magbigay ng detalye para iwas gulo raw. Sinimplehan na lang namin ng tanong kung sino ang nag-abono sa P200 na fine para sa lost parking ticket, “Opisina po, tapos ikakaltas sa akin,” sagot sa amin. At hindi na kami nakakuha ng karagdagang detalye dahil ayaw na talagang magkuwento sa amin.

Siguro nga mas maganda kung mapanood ng beteranang aktres ang CCTV para malaman niya kung may inilapag o iniabot siyang parking ticket sa counter at kung mayroon, may karapatan siyang tumalak dahil sinisingil siya. Pero kapag wala, e, dapat lang na magbayad siya.

Sana naisip ng beteranang aktres na ang P200 pesos ay malaking halaga na para sa parking attendant na kumikita lang ng minimum wage sa isang araw at may pamilya pang binubuhay. Maliit na halaga ang P200 kumpara sa kinikita ng beteranang aktres na libo ang kita sa bawa’t taping day.

Anyway, mabait naman ang aktres kapag nasa mood, pero kapag masama ang gising niya lalo na siguro kung puyat, e, makakatikim ng taray ang sinumang haharang sa daan niya, gets n’yo na na?

Read more...