MAS magiging masaya at exciting ang panonood ng mga bata ng Yey! sa paglunsad ng kauna-unahang locally produced kid’s show sa digital free TV sa bansa na Team Yey.
Pagbibidahan ng isang kiddie barkada na handang-handa ibahagi ang kanilang talent sa mga bata tuwing araw. Ipakikita sa Team Yey ang iba’t ibang nakakaaliw na activity tulad ng dancing, food preparation, arts and crafts, sports, storytelling, music at daring na challenges. May isang activity na ipapakita kada araw na pangungunahan ng isang miyembro ng tropa.
“Gusto namin na ma-enjoy ng kids ang kanilang experiences bilang bata. Hinihimok namin sila na gawing katuwaan lang ang napakaraming posibilidad kung saan pwede silang mag-excel, kaya tampok sa show ang samu’t saring activities na ipapakilala ng kapwa nila bata,” sey ni Danie Sedilla-Cruz, channel head ng Yey.
Ibabandera tuwing Lunes ang sayawan sa “Galaw Go” kasama ang Dance Kids finalist na si AJ Urquia na magpapakita ng cool dances moves tulad ng hip-hop at folk dance na makakatulong para maging expressive ang kids gamit ang pagsasayaw at mas maging physically active.
Siksik naman sa masasarap na pagkain ang bawa’t Martes sa “Snacks Naman” na pangungunahan ng Goin’ Bulilit star na si Mitch Naco. Kanyang ipapakita kung paano maghanda ng masasarap na kiddie meals at baon. Creative ang paghahanda ni Mitch ng desserts, drinks, at snacks para ipakita sa mga bata na masaya ang paghahanda ng sariling meryenda.
Sining naman ang bida tuwing Miyerkules kasama ang budding artist at child actress na si Hannah Vito sa “Artstig” kung saan gagawa siya ng mga nakakabilib na “invention” mula sa iilang tipikal na bagay para ipakita kung ano ang kayang gawin ng bata gamit ang kanilang imahinasyon.
Maaksyon naman ang Huwebes sa “Game? Play!” hosted by young athlete at blogger na si Sam Shoaf. Tampok sa show ang ilang sports na kayang-kayang laruin tulad ng basketball at traditional Filipino games tulad ng takip-silim para ipaalala sa mga kabataan na masaya rin maglaro ng games na hindi makikita sa gadgets.
Sa Biyernes, mga kwentong kapupulutan ng aral naman ang ibabahagi ng child storyteller at commercial model na si Raven Cajuguiran sa “Storyey.” Dito, kanyang isasalaysay ang mga makabuluhang kwento na may kasamang mini theater presentation or simpleng animation.
Music naman ang tema tuwing Sabado kasama ang The Voice Kids Season 1 contestant na si Luke Alford na magpapahalaga kung paano nagbibigay ng inspirasyon ang musika sa ating buhay. Pagsapit ng Linggo, haharapin ng Team Yey kiddie barkada ang dares at challenges na magpapalakas sa kanilang loob para hindi matakot subukin ang mga bagong bagay.
Lahat ng iyan ay mapapanood na simula ngayong June 19 (Linggo), 8:30 a.m. at 2:20 p.m. na may replay bawat araw tuwing 9:40 p.m.. Mapapanood ang Team Yey Lunes hanggang Biyernes, 8:30 a.m. at 4:20 p.m., habang mapapanood naman ito tuwing weekend, 8:30 a.m. at 2:20 p.m. sa Yey!
Libre at eksklusibong channel ang Yey! sa digital TV gamit ang ABS-CBN TVplus. Mapapanood din ito sa cable (SKYcable at Destiny Cable) pati na sa direct-to-home o satellite TV (SKYdirect).