2016 PSL All-Filipino Conference sasambulat bukas

Mga Laro Bukas
(San Juan Arena)
1 p.m. Opening ceremonies, parade of teams
2 p.m. F2 Logistics vs Cignal
4 p.m. Petron vs Foton

MAGSASAGUPA ang dalawang koponan na binubuo ng mga kampeon sa liga ng unibersidad habang magsasalpukan naman ang kapwa mga tinanghal na kampeon sa pagsambulat ng Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference bukas sa San Juan Arena.

Isang espesyal na presentasyon muna ang isasagawa sa ganap na ala-1 ng hapon kung saan ipapakilala ang mga miyembro ng walong kasaling koponan sa tradisyunal na parade.

Agad itong susundan ng salpukan ng F2 Logistics na binubuo ng mga dating miyembro ng De La Salle University na dinomina ang UAAP sa nakalipas na taon kontra naman sa Cignal na kinabibilangan naman ng kapatid nitong College of St. Benilde na kasalukuyang kampeon sa NCAA.

Tampok din sa salpukan ang pagtatapat ng magkapatid na setter na sina Desiree at Djanel Cheng at ang matinding paghaharap ng pinakamahuhusay na blockers sa indoor volleyball sa bansa na sina Mary Joy Baron at Aby Maraño kontra naman kay Jeanette Panaga.

Magkakapaluan din agad ang nagtatanggol na kampeon na Petron Tri-Active kontra sa tinanghal na Grand Prix titlist na Foton Toplander sa ikalawang laro sa ganap na alas-4 ng hapon.

Ang Petron, na tinanghal na 2015 All-Filipino Conference champion, ay hindi makakasama sina Dindin Santiago dahil sa pagbubuntis at Rachel Ann Daquis, na lumipat sa ibang koponan, kung kaya aasa ito kina Aiza Pontillas, Sheila Pineda, CJ Rosario, Bernadette Pons, Remy Palma, Ces Molina at Maica Morada.

Sasandigan naman ng Foton sina Carol Cerveza, EJ Laure, Cherry Ann Rondina, Jaja Santiago, Patty Orendain, Rhea Dimaculangan, Ivy Perez at Angeli Araneta.

Read more...