MAPAGPAKUMBABA sa kanyang hangad ang Letran rookie coach na si Jeff Napa sa kanyang paghawak sa nagtatanggol na kampeong Knights sa pagbubukas ng ika-92 taon ng NCAA sa Hunyo 25.
Asam ni Napa ang makatuntong muna sa Final Four bago hangarin ang ikalawang sunod na pag-uwi sa korona.
“Of course, all the coaches want to win a championship but for us, we’re thinking of just surviving the long elimination round and make it to the Final Four,” sabi ni Napa, na pinalitan ang dating Knights coach na si Aldin Ayo ngayong taon matapos na lumipat ang huli patungo sa La Salle sa UAAP.
“And then we’ll see what happens there,” sabi pa nito.
Aminado si Napa na puwersado siya na maduplika ang tila fairy tale run noong nakaraang taon ng Letran kung saan nagawa ng Knights, na hindi man lamang nabigyan ng tsansa na tutuntong sa Final Four, na lampasan ang balakid at talunin ang lahat kabilang na ang pinapaboran na San Beda Red Lions sa tatlong laro sa finals upang iuwi ang korona.
Gayunman, mas mabigat ang pasanin ng mga Knights dahil sa bago nitong mentor at hindi na makakasama ang mga dati nitong lider na sina Kevin Racal at Mark Cruz na umakyat na sa Philippine Basketball Association.
Nakita ang kahinaan ng koponan sa ginanap na pre-season matapos na hindi makatuntong ang Letran kahit man lamang sa playoff round ng katatapos lamang na Filoil Flying V Premier Cup.
Sa pagkawala nina Racal at Cruz ay inaasahang mapupunta ang responsibilidad kina Rey Nambatac at McJour Luib na pamunuan ang koponan patungo sa finals para sa tsansa nitong ikalawang sunod na titulo.
Inaasahan din na magpapakitang gilas para sa Knights sina Bong Quinto, Jomari Sollano, Felix Apreku, Jerrick Balanza at John Calvo.
Kahit siguradong mahihirapan ngayong season, nakakuha si Napa at ang Knights ng kakampi kay Ayo.
“I have strong faith in Letran. We did it last year, why can’t we do it now,” sabi ni Ayo matapos itulak ang La Salle sa korona ng Filoil.