BUKOD pa sa pagganap bilang Lola Nidora sa kalyeserye ay sumisikat na rin ang panggagaya ni Wally kay Boy Abunda sa Sunday PinaSaya ng kasama si Barbie Forteza na gumagaya naman kay Kris Aquino. Nu’ng unang ipagawa ito sa kanya, naghayag siya ng pagkabahala dahil nga taga-ABS-CBN ang award-winning TV host at baka nga mabahiran pa ito ng malisya.
“Hindi naman ako nagrereklamo nagtanong lang kasi unang-una nasa kabilang istasyon si Boy. Hindi ko alam kung magiging sensitive sila sa ganoong bagay. Pero sabi ni Ai Ai (delas Alas), ‘Hindi kaibigan ko yan okey lang yan.’ So sabi ko sige gagawin ko,” aniya. At para naman hindi ma-offend ang TV host ay talagang nag-research siya kung paano ito kumilos at magsalita. Maingat din siya sa panggagaya kay Boy kaya hindi raw masyadong OA ang atake niya.
“Pinag-aralan ko talaga yun. Tiningnan ko lahat ng interviews niya sa TV, kasi nakakahiya. Ang nakakahiya kasi sa pag-impersonate, kailangan maingat na maingat ka sa karakter, di pwedeng sumobra kasi baka ma-offend, so nakakahon talaga. May limit,” paliwanag niya.
Sa dami ng mga proyekto ngayon ni Wally, na madadagdagan pa ng Hay Bahay! kasama uli sina Vic Sotto, Ai Ai delas Alas, Oyo Sotto, Kristine Hermosa at Jose, natanong din namin sa kanya kung paano pa niya hinahati ang kanyang panahon sa work at sa family.
“Maraming sacrifices. Wala na yung gimik-gimik, wala na yung bar muna after work. Uwi na agad sa bahay. Kailangan magpahinga talaga. Nakakalungkot din kasi yung mga friends ko sila nakakapag-bar, inom. Eh wala kwento-kwento na lang. Minsan sa Facebook o social media ka na lang nakiki-update. So sacrifcie talaga.” “Itong ginagawa ko naman para sa family ko eh, so ang reward lang na gusto ko is to see na okey sila, na malagay ko sila lahat in order. Pati mga edukasyon ng mga bata,” dagdag ng komedyante.
Kinumusta na rin namin ang daughter niya na nagki-chemo dahil sa sakit nito, “Okey naman na siya, bumalik na siya sa school. Tapos na yung therapy. Pinayagan na siya ng doctor na bumalik sa school kahit na under remission pa siya ngayon, siguro mga three years pa. Kaya happy naman ako na okey na siya.”