MUKHANG pinaglalaruan nga ng tadhana sina Katrina Halili, Hayden Kho at Vicki Belo pagkatapos ng kinasangkutan nilang kontrobersiya noon dahil sa usaping sex video scandal.
E, kasi nga, sa bagong afternoon series ng GMA 7 na Sa Piling Ni Nanay, gagampanan ni Katrina ang karakter ng kontrabidang si Scarlett na siya ring pangalan ng anak nina Hayden at Vicki. At dahil nga riyan, siguradong maba-bash na naman si Katrina at aakusahan siya ng kung anu-ano. Baka sabihin ng iba ay nagpapakakontrobersiyal lang siya at ginamit pa ang walang kamuwang-muwang na baby para lang siya pag-usapan at ang bago niyang teleserye.
Sa presscon ng Sa Piling Ni Nanay na mapapanood na sa Afternoon Prime ng GMA simula sa June 27 after Hanggang Makita Kang Muli, ipinaliwanag ni Katrina na nagkataon lang ang lahat at hindi nila sinadya na gamitin ang pangalan ng baby ni Hayden.
Bukod dito, tungkol din sa isang surrogate mother ang kuwento ng Sa Piling Ni Nanay kaya siguradong marami ang magre-react na baka ang buhay nga nina Vicki at Hayden ang peg ng soap. Sey ni Katrina, handa na siya sa gagawing pamba-bash sa kanya ng netizens, dedmahan na lang daw ang labanan para hindi siya maapektuhan. Aniya pa, na-conceptualize ang serye bago pa inamin nina Vicki at Hayden na Scarlet ang name ng anak nila.
“Hindi ko nga po alam yan e. Actually, nauna po ito. Tapos, after two weeks, ni-release yung baby ni Dra. Belo na Scarlet din ang name. Nagulat nga rin ako. Pero promise po, nagkataon lang. Wala namang masamang intensyon. Pero grabe, grabe ang pagkakataon,” sey ni Kat. Samantala, magsisilbing reunion ng original Starstruck graduates ang Sa Piling Ni Nanay dahil bibida nga rito sina Katrina, Yasmien Kurdi at Mark Herras.
Gagampanan ni Yasmien ang role ni Ysabel, isang single mom sa anak na si Maymay. Siya ang personal assistant sa sosyalerang si Scarlet (Katrina). At dahil hindi nga magkaanak, kukumbinsihin ni Scarlet si Ysabel na maging surrogate mother sa anak nila ni Jonas (Mark) kapalit ng malaking halaga. Papayag siya dahil kailangan niya ng pera para sa bone marrow transplant ng kanyang anak.
Ngunit mamamatay din ang anak ni Ysabel sa aksidente. Dahil sa matinding depresyon at kalungkutan, babawiin niya ang surrogacy agreement na ikagagalit nang todo nina Jonas at Scarlet. Pero paano pa kapag nalaman ni Scarlet na may lihim palang pagmamahal ang kanyang asawa kay Ysabel? Dito na magsisimula ang twist and turns ng kuwento. At asahan ang sandamakmak na sabunutan, sampalan at matitinding confrontation scenes ng tatlong bida as serye.
Makakasama rin sa bagong Kapuso seryeng Sa Piling Ni Nanay sina Nova Villa, Bettina Carlos, Antonio Aquitania at Sofia Jayzel Cabatay, sa direksiyon ni Gil Tejada Jr.. Magsisimula na ito sa June 27 sa GMA Afternoon Prime.