TAWA nang tawa ang mga usisero sa shooting ng isang ginawang pelikula ng isang nagpapaseksing aktres. OA raw kasi sa kaartehan ang female personality, nagpapalutang ng kaartehang wala naman sa lugar, bukod pa sa may kamalditahan.
Impernes, maganda naman ang girl at kung ganda ng katawan ang pag-uusapan, natural man o likha lang ng siyensiya ang hubog ng kanyang katawan ay okey na rin. Pero kakaiba ang kanyang kaartehan, may kakambal kasing kasupladahan ‘yun, minemenos na niya ang kanyang mga kasamahan ay napakayabang pa ng kanyang dating.
Kuwento ng isang source, “Nagkataon kasi na medyo makahoy ang location. Pero malinis naman ang paligid. Nagpadala na kasi ng mga tao ang production para linisin ang paligid para iwas sa lamok. “Maayos na ang lahat, wala nang lamok, nag-spray na ang production bago pa dumating ang mga artista sa set. Maayos nang nakapag-set-up ang crew, walang problema, walang kahit anino lang ng lamok o langaw sa nilinis nang lugar.
“Heto na, dumating na si ____ (pangalan ng may kamalditahan at kaartehang female personality), nakabalabal siya na akala mo nasa Saudi Arabia, balot na balot ang buong katawan niya. “Baka raw kasi lamukin siya, mahirap na, magkasakit pa siya. Pag-upo niya, aba, nakarinig agad ng lagapak ang lahat ng nasa set! Hinampas ng girl ang braso niya!
“Sabi ng isang staff, ‘Nilamok ka? Kaninang madaling-araw pa kami nandito, kahit maliit na lamok, e, wala naman!’ Hindi kumibo ang hitad, napahiya kasi siya! “Ganu’n siya kaarte. Ganu’n siya kamaldita at papansin. Para lang makuha niya ang attention ng mga tao, gagawa at gagawa siya ng paraan para lang siya mapansin.
“Naku, ‘no! Baka natatakot siyang magkasugat dahil ang katawan niya kasi, e, sagana sa heringgilya ng mga salamat po, doktor!” nakataas ang kilay na sabi ng impormante. Bradly Guevarra, alam ba ‘yan ng nakaaway niyang mas matanda kesa sa kanya, pero very sexy pa ring aktres?”