KUNG si Vic Sotto ang masusunod, gusto pa rin niyang sumali sa 2016 Metro Manila Film Festival dahil naging bahagi na ito ng sistema niya bilang aktor at producer.
“Parang hindi rin kasi kumpleto ang buhay ko kung wala akong entry. I’ve been doing this for 15 years na. I don’t know, we’re still weighing kung ano ang mangyayari sa susunod na kabanata,” sey ni Bossing sa presscon ng bago niyang sitcom sa GMA 7, ang Hay Bahay! na mapapanood na simula sa June 19. Makakasama niya rito ang mga anak na sina Oyo Sotto at Kristine Hermosa with Ai Ai delas Alas.
Paliwanag ni Vic, wala pang final decision ang kanyang produksiyon kung magsa-submit sila ng entry sa taunang filmfest. Nakadepende ito sa mga bagong patakaran ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na siyang nangangasiwa sa yearly MMFF. “Bukas naman ako this year (sa filmfest). Surely, we will be back. Tapusin lang natin ang gulo na ‘to. Medyo nagulo ang usapan dahil doon sa gulo last year sa mga jurors,” chika pa ng TV host-comedian.
Naglabas ng kanyang saloobin si Vic tungkol sa mga kontrobersiyang bumabalot sa MMFF na naging sanhi nga ng mga pagbabago sa taunang festival, isa na rito ang bagong regulasyon kung saan ang mga mapipiling pelikula ay ibabase sa mga natapos nang pelikula. Noon kasi, sa script lang ibinabase ang pagpili ng magiging official entries.
“Naiintindihan ko naman ang point. Ako’y nakikiisa sa nais nila. Kaya lang, sana ang inayos nila ay ‘yong judging, nandoon ang problema, nandoon ang complaints. Hindi naman doon sa pagpili ng mga entries, wala doon, e.
“Hindi naman natin siguro pwedeng maliitin ang mga entries sa festival natin. Kumpleto naman siya, kumpleto sa genre,” chika pa ni Bossing na ibinigay pang example ang naging reklamo ng mga taong nasa likod ng MMFF 2015 entry na “Honor Thy Father” ni direk Erik Matti na biglang na-disqualify sa Best Picture category isang araw bago ang awards night.
Naipalabas na raw kasi ang pelikula sa ibang bansa na ipinagbabawal ng organizers, “Ako, I respect ‘yong mga tipo nila Erik Matti na umaangal. Sa totoo lang, ang mali nila, nasa rules naman talaga na kung naipalabas na, hindi na pwede rito. Pero nagkaroon ng exception, naipalabas sila.
“At dahil du’n, na-disqualify sila sa awards, na sa tingin ko ay mali naman kasi tinanggap na, bakit pa idi-disqualify sa awards. Bakit na-disqualify? Baka may pinapaboran. ‘Yon ang dapat imbestigahan, ‘yon ang dapat inayos nila.
“Ang nangyari, inimbestigahan nila, pero binago nila ‘yong kabuuan ng festival. Ang mangyayari, kawawa naman ‘yong mga wala masyadong budget na sumusugal na mapalaki ang budget para maipalabas nang Pasko at kahit paano ay babalik ang puhunan,” himutok ng komedyante.
Isa pang magiging problema nina Bossing kung sakaling sasali uli sila sa MMFF 2016, ay ang deadline ng submission ng entry na nakatakda na sa darating na September at kailangang buo na ang pelikula. “Dapat nagsu-shooting na kami. ‘Yon nga ang isa sa pinoproblema namin, paano kami aabot sa September? Hindi naman kami gagawa ng pito-pito.
“Medyo mahirap ang kalagayan namin ngayon. I don’t know kung ie-extend nila to maybe one more month, to be more realistic. Kasi September, ano na ngayon, magju-July na. Hindi naman ganun kadali ang gumawa ng pelikula,” paliwanag pa ni Vic.
Samantala, nang tanungin naman si Vic kung kailan sila magkakaroon ng anak ni Pauleen Luna, “Tina-try pa rin namin. Darating at darating naman ‘yan. In God’s time!”