Buhay pa rin ang pag-asa ng 2016 Eastern Conference Champions Cleveland Cavaliers sa inaasam na kauna-unahang kampeonato sa liga matapos padapain ang nagdedepensang Golden State Warriors, 112-97 sa game 5 ng kanilang best-of-seven NBA finals series sa Oracle Arena sa Oakland California, USA.
Rumatsada si 4-time league MVP Lebron James at point guard Kyrie Irving nang tig-41 puntos upang maging kauna-unahang magkakampi na umiskor ng 40 puntos sa isang NBA finals game at ilapit ang serye sa 3-2.
Wala pang koponan sa kasaysayan ng liga ang nag-uwi ng korona mula sa 1-3 deficit at tanging ang 1951 New York Knicks at 1966 Los Angeles Lakers lamang ang nakapwersa ng game 7.
Nagtala naman si Klay Thompson ng 37 marka, 26 rito ay mula sa first half habang nagdagdag si reigning MVP Stephen Curry nang 25 puntos para sa Warriors subalit kinapos pa rin na naramdaman ang pagkawala ni Draymond Green matapos patawan ng one game suspension dahil sa mga nakuhang flagrant fouls sa playoffs at ang pagtamo ni center Andrew Bogut ng left knee injury sa maagang yugto ng third quarter.
Babalik ang game 6 sa Quicken Loans Arena, homecourt ng Cleveland kung saan tatangkain ng Cavaliers na itabla ang serye para sa historic comeback samantalang pipilitin naman ng koponan ni coach Steve Kerr na tapusin na ang laban para sungkitin ang ikalawang sunod na kampenato ng Warriors.