TAHIMIK si President-elect Rodrigo Duterte sa pagpugot ng Abu Sayyaf sa isa pang bihag na Canadian.
“Sa kanya I think the concern about the Abu Sayyaf should be addressed to the present administration dahil hindi pa naman siya presidente,” sabi ni incoming presidential spokesperson Salvador Panelo sa isang panayam sa Davao City.
Inihayag ng Abu Sayyaf noong Lunes ang pagpugot sa Canadian mining consultant na si Robert Hall matapos hindi maibigay ang P600 milyon hinihinging ransom.
“Wala pa naman siyang sinabi sa akin, nag-usap kami kagabi. Hindi napag-usapan,” dagdag ni Panelo.
Natagpuan ang isang pugot na ulo sa Jolo, Sulu ilang oras pagkatapos ng pahayag ng Abu Sayyaf.
“Basta ang alam ko President-elect Duterte will not tolerate or condone ang illegality in this country. He will do everything in this power to stop all these… That’s his commitment, to stop all this criminality,” dagdag ni Panelo.
Bukod kay Hall, nauna nang pinugutan ang isa pang Canadian na si John Ridsdel.
Dinukot sina Hall at Ridsdel, kasama ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad at Pinay na si Maritess Flor sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte noong Setyembre 21, 2015.