SITIO La Presa ang sikat na pangalan ng fictional strawberry farm na tirahan nina Agnes na ginampanan ni Liza Soberano at Xander na ginampanan naman ni Enrique Gil sa Kapamilya teleserye na Forevermore.
Ang tunay na pangalan ng lugar ay Sitio Pungayan na matatagpuan sa Mt. Kabuyao, Tuba, Benguet – ang lugar na isa na ngayong sikat na dinadayo ng mga turista sa Baguio.
Sa tinatamong kasikatan ng lugar, di maitatago na nagbukas ng madaming trabaho at oportunidad ang “La Presa” branding ng LizQuen fever sa mga lokal ng bayan. Ngunit sa kabila ng magandang takbo ng turismo sa bayan, hindi maiiwasan ang komersyalismo na nagiging isang seryosong banta sa angking yaman at natural na ganda ng bayan, kasama pa dito ang paglagay sa panganib sa water catchment area ng Baguio na ang Sto. Tomas watershed.
Ang ABS-CBN Lingkod Foundation Inc., ang social responsibility arm ng ABS-CBN ay laging sinisiguro na ang organisayon ay laging nagbibigay tulong hindi lang sa publiko kundi pati na rin sa kapaligiran. Kaya naman ilang buwan na ang nakalipas at kahit tapos na ang programa, patuloy ang pagsuporta ng Lingkod Kapamilya sa komunidad sa pamamagitan ng pag oorganisa ng mga green initiatives upang mapreserba ang Sitio Pungayan.
Sa paglalayong iangat ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino, ang Lingkod Kapamilya kasama ang ilang komunidad ay nagsama-sama para sa iisang layunin: ang magmobilisa at magmulat sa mga tao kung paano mape-preserve ang natural na ganda ng Sitio. Noong Pebrero, nagsagawa ang Lingkod Kapamilya kasama ang Green Thumb Coalition ng isang election forum na naglayong makipagdiskurso sa mga kandidato sa harap ng mga botante tungkol sa kanilang mga environmental platforms.
Isa pa sa mga inisiyatiba ng organisasyon ang gaganaping study tour sa La Mesa Watershed at Ecopark sa June 13. Kasama dito ang mga key leaders at ilang environmentalists, kasama din ang ilang mga pari at government officials mula sa Baguio.
Nangunguna din ang Lingkod Kapamilya sa pag e-educate sa mga tao tungkol sa waste management project ng Mother Earth Foundation, isa sa mga partner organization ng Global Alliance for Incinerator Alternatives. Kasama dito si Atty. Claver, and lead counsel ng Writ of Kalikasan legal case.
Ang Sto. Tomas watershed ay ang pangunahing source ng water-scarce ng Baguio kaya naman kung hindi mapo-protektahan ay talagang maapektuhan ang mas madaming populasyon ng siyudad. Kaya naman sa pamamagitan ng mga inisiyatiba ng Lingkod Kapamilya, tuloy ang love story nila Agnes at Xander sa Sitio La Presa.