KINUMPIRMA nina Jose Manalo at Wally Bayola na hindi sila kasama sa next movie nina Maine Mendoza at Alden Richards na nakatakda nang ipalabas ngayong July.
Sa presscon kanina ng bagong sitcom nina Jose at Wally sa GMA 7, ang Hay Bahay! na pinagbibidahan nina Ai Ai delas Alas at Vic Sotto, sinabi ng comic duo na wala silang partisipasyon sa upcoming AlDub movie.
“Hindi po kami isinali, ayaw nila kaming isama,” natatawang sagot ni Jose. “Hindi, ano yan, e, AlDub lang talaga iyan. Sila lang diyan. Pero siyempre 100 percent ang magiging suporta ng mga lola ng kalyeserye sa kanila,” chika pa ni Jose.
Sey naman ni Wally, sina Maine at Alden lang talaga ang magsa-shine sa next movie nila dahil regalo ng magka-loveteam ito sa milyun-milyon nilang fans sa buong mundo.
“It’s their movie kaya hindi muna kami kasali. Kasi ang plano talaga hindi siya magmukhang kalyeserye ng Eat Bulaga, maiba du’n sa ginagawa namin tuwing tanghali. Baka kasi pag nandoon din kami ni Jose parang kalyeserye rin. So sila lang talaga riyan,” pahayag ni Wally nang makachika namin after ng presscon ng Hay Bahay!
Pero aniya, lahat ng Dabarkads, lahat ng taga-Eat Bulaga ay susuporta nang bonggang-bongga sa magka-loveteam dahil ng anniversary gift nila ang proyektong ito sa AlDub Nation.
Halos isang buwan ding nawala sa Eat Bulaga sina Alden at Maine dahil kinailangan nilang magpunta sa Italy para kunan ang halos kabuuan ng kanilang movie.
Pero kahit wala sila sa kalyeserye ay halos araw-araw silang nagpapadala ng video updates sa EB kung anu-ano ang pinaggagagawa nila sa Italy para na rin sa kanilang fans.
Samantala, magsisimula na ang Hay Bahay! sa June 19 pagkatapos ng 24 Oras Weekend. Kasama rin dito ang mag-asawang Oyo Sotto at Kristine Hermosa, at Ruby Rodriguez, sa direksyon ni Bibeth Orteza.