SINALUBONG ng mga kilos-protesta ang pagbubukas ng klase para tutulan ang implementasyon ng K to 12 program ng gobyerno.
Nagprotesta ang Youth for Nationalism and Democracy (YND) sa harapan ng Department of Education (DepEd) sa Pasig City para batikusin ang gobyerno sa ginagawang komersiyalisasyon ng edukasyon.
Sa Quezon City, nagrali ang mga miyembro ng League of Filipino Students (LFS) sa harap ng Batasan Hills National High School para ipanawagan ang suspensiyon ng K to 12 program.
Samantala, nagsagawa namang ng “silent protest” ang mga guro ng Rizal High School para batikusin ang desisyon ng principal ng paaralan na ituloy ang implementasyon ng K to 123 sa kabila ng kakulangan sa pasilidad, guro at libro para sa mga estudyante ng senior high school.
Iginiit nman ni Education Secretary Armin Luistro na “the best” ang pagbubukas ng klase dahil sa unang araw ng implementasyon ng senior high school (SHS) program.
“Sa akin lang ha, ito ang one of the best openings ng school year. Wala akong masyadong narinig, kahit sa mga media reports, na malakihan at malawakang problema,” sabi ni Luistro.
Magkasama sina Luistro at incoming Education secretary Leonor Briones na nagsagawa ng inspeksyon sa Commonwealth High School sa Quezon City.
“(The problems) really are very, very solvable. Ang minomonitor kasi namin ay kung merong insurmountable na problem na talagang systemic; so far, wala,” ayon pa kay Luistro.