Ryza ayaw nang magdyowa: Handa na nga akong tumandang dalaga!

ryza cenon

HANDA na ang Kapuso actress na si Ryza Cenon na tumandang dalaga. Kung ngayon siya tatanungin, ayaw na raw niyang magkadyowa.

Isang buwan lang ang itinagal ng relasyon nila ng huli niyang boyfriend, ang celebrity chef na si Tristan Encarnacion, anak ng yumaong hair and make-up stylist na si Jun Encarnacion. Siya ang nakipag-break sa binata for some personal reasons.

Pero ayaw na raw pag-usapan pa ni Ryza ang tungkol dito, basta aniya, “Marami pong hindi pagkakaintindihan, normal relationship po.” Itinanggi naman ng dalaga na isa sa mga naging rason ng matinding depresyon niya nitong mga nakaraang buwan ay dahil sa paghihiwalay nila ni Tristan, “No po, okey naman yung naging break-up.

Nag-usap naman po kami na, ‘Siguro, huwag na muna nating ituloy,’ yung ganyan. Kinausap ko naman siya nang maayos.” Very single ngayon si Ryza at inamin niyang parang ayaw na niyang makipagrelasyon uli dahil nagsunud-sunod nga ang kamalasan niya pagdating sa lovelife, “Ayoko na nga, e. Quota na ako sa sakit.  Ha-hahaha! Ewan ba, parang feeling ko nga, magiging matandang dalaga na ako.”

Kaya nga nagpapasalamat si Ryza sa Diyos dahil sa kabila ng mga pagsubok na dumating sa buhay niya, pati na rin sa kanyang showbiz career, nananatili pa rin siyang nakatayo at lumalaban. Nauna na niyang sinabi na ilang beses na siyang nag-try mag-suicide dahil sa depresyon at matinding kalungkutan, pero mas nananaiig pa rin ang takot niya kay Lord.

Kamakailan, natupad na ni Ryza ang isa sa mga ultimate dream niya, ang magkaroon ng sariling art exhibit. Naka-display ngayon sa Chef Laudico Guevarra’s restaurant sa San Juan ang ilan sa mga art pieces niya na pwede n’yong bilhin sa reasonable prices.

Ilan sa mga painting ng dalaga ay gawa sa watercolor, oil at pastel, “Pero ngayon, acrylic na po yung ginagamit ko, kasi mas madali siyang i-blend, mas madali siyang paglaruan.”

Sa ngayon, patuloy daw siyang nakikipaglaban sa buhay para buhayin ang sarili niya, “So far, okey naman, may mga struggles, pero hindi naman mawawala yun. Sabi ko nga, tao lang naman ako na parang normal people na nagkaka-problema sa buhay.”

Para naman sa mga fans ng Kapuso actress, huwag daw kayong mainip dahil may mga plano naman daw ang GMA sa career niya this year. Nagdarasal din si Ryza na sana’y makapasa siya sa ginanap na audition para sa bagong serye ng Siyete, ang Sinungaling Mong Puso na pagbibidahan naman ni Rhian Ramos.

Isa pa raw sa mga realization ng dalaga, “Ngayon ko napatunayan na hindi talaga stable ang trabaho sa showbiz. Kaya humahanap talaga ako ng ibang pagkakakitaan like business. Like ngayon, parang may winu-work out akong business. Tina-try kong mag-partner sa gym.”

Inamin naman ni Ryza, feeling niya, simula raw nang magkaproblema siya noon sa bibilhin sanang bahay na hindi nga natuloy, nagkasunud-sunod na ang kamalasan sa buhay niya.

Read more...