MAY magandang katangian si Arnell Ignacio na hindi natin makikita sa maraming personalidad.
Puwedeng luka-luka ang komedyante paminsan-minsan, may mga pagkakataon ding parang nakatutok lang sa isang tao o bagay ang kanyang atensiyon, pero marunong siyang magpahalaga sa nakaraan. Nu’ng pasyalan niya kami sa radyo (AKSYON TV-41, 92.3 News FM) ay sinabi niya sa amin na hindi sila puwedeng magkalimutan bilang magkaibigan ni Jobert Sucaldito nang dahil lang sa pulitika.
“Puwedeng magkaiba kami ng pananaw ngayon, pero naiintindihan ko ang point niya. ‘Yun nga ang maganda sa magkakaibigan, e. Meron tayong kani-kanyang point of view tungkol sa maraming bagay, inilalabas natin ‘yun, which is very healthy.
“’Yung sintemyento ni Jobert, sakay na sakay ko ‘yun. E, kung sa ayaw nga niya kay Duterte, ano ang magagawa ko? Pananaw niya ‘yun, kailangan kong respetuhin, kaya para hindi masira ang friendship namin, might as well i-block na muna niya ako sa FB niya.
“Okey lang sa akin ‘yun, puwede kaming magkakontra tungkol sa politics, pero ayoko namang basta na lang masira ang pagkakaibigan namin nang dahil lang du’n,” pag-amin ng magaling na komedyante-TV host.
Maraming kuwento si Arnelli tungkol kay President-elect Rodrigo Duterte, mga kuwentong sila-sila lang na nabigyan ng pagkakataong mapalapit sa pulitiko ang nakakaalam, mga impormasyon tungkol sa paupo nang pangulo na mas nagpapalutang pa tungkol sa pagiging simpleng tao nito sa totoong buhay.