PSC Commissioners Baseball Cup do-or-die quarterfinals aarangkada

Mga Laro Ngayon
(Rizal Memorial Baseball Field)
8 a.m. PAF vs UST
10 a.m. NU vs IPPC

ITALA ang higanteng upset ang pakay ng University of Santo Tomas at National University habang lumapit sa kampeonato ang kapwa hangad ngayong umaga ng nagtatanggol na kampeon na Philippine Air Force at dating kampeon na IPPC Hawks sa matira-matibay na crossover quarterfinals ng 2016 PSC Commissioners Baseball Cup sa Rizal Memorial Baseball Field sa Malate, Maynila.

Haharapin ng PAF Airmen sa unang laro ganap na alas-8 ng umaga ang pinakahuling nagkuwalipika na UST Growling Tigers bago sundan ng salpukan ganap na alas-10 ng umaga ng IPPC Hawks kontra sa nagpalakas na NU Bulldogs.

Winalis ng Airmen ang apat nitong laro sa Group A upang okupahan ang unang silya sa quarterfinals habang binigo ng Growling Tigers ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons sa huling laro sa eliminasyon, 8-5, upang okupahan ang ikalawang puwesto sa Group C.

Ang Airmen ang back-to-back (2014-2015) PSC Commissioner’s Cup champion at sariwa pa rin sa paghablot sa titulo ng 2015 PSC Chairman’s Baseball Challenge Cup.

Asam naman ng dating bumubuo sa Philab na IPPC, na nagwagi rin sa lahat ng laban, na makabalik sa kampeonato sa pagsagupa nito sa NU Bulldogs sa ikalawang laro.

Tanging nabigo ang Bulldogs sa kamay ng beteranong Airmen, 3-0, sa eliminasyon para sa kabuuan nitong 3-1 panalo-talong karta.

Read more...