Kamara may 2 bilyonaryo, 286 milyonaryo

  manny pacman
Dalawang kongresista ang naging bilyonaryo noong 2015 at dalawa lamang sa 288 nilang kasamahan ang hindi milyonaryo.
    Batay sa 2015 Statement of Assets, Liabilities and Networth ng mga kongresista, si Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang pinakamayaman. Mayroon siyang networth na P3.268 bilyon.
     Noong 2014 si Pacquiao din ang pinakamayaman at mayroong networth na P1.688 bilyon. Siya ay hinahabol ng Bureau of Internal Revenue.
     Noong 2015 ang laban ni Pacquiao kay Floyd Mayweather na sinasabing pinakamalaki ang kanyang kinita sa kanyang buong boxing career.
     Pumangalawa naman si Negros Occidental Rep. Jules Ledesma na mayroong networth na P1.004 bilyon. Mas mataas sa P822.2 milyong networth niya noong 2014.
     Si Pacquiao at Ledesma ay parehong nakapagtala ng maraming absent sa sesyon ng Kamara de Representantes. Pareho silang aalis sa Kamara de Representantes, si Pacquiao ay aakyat sa Senado at si Ledesma ay nasa huling termino na.
     Pangatlo naman si Speaker Feliciano Belmonte Jr., na may P941.648 milyong networth at sinundan ni dating First Lady at Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos na may P917.8 milyon.
     Panglima naman si Negros Occidental Rep. Albee Benitez na may P880 milyong networth. Sinundan siya ng mag-asawang Las Pinas Rep. Mark Villar at DIWA Rep. Em Aglipay na may P689.535 milyon.
     Sumunod naman sina Leyte Rep. Martin Romualdez (P475.6 milyon), dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo (P393.9 milyon), Rizal Rep. Joel Roy Duavit (P302.6 milyon), Maguindanao Rep. Zajid Mangudadatu (P225.9 milyon).
     Noong 2014, ang naitalang yaman ni Arroyo ay P146.4 milyon.
     Ang dalawa namang pinakamahirap na kongresista ay sina Anakpawis Rep. Fernando Hicap na may P43,239.14 networth na bumaba sa kanyang P95,572 noong 2014.
     Ang isa pang hindi milyonaryo ay si Kalinga=Rep. Abigail Faye Ferriol na may P715,150 networth mas mababa sa 2014 networth nito na P735,000.
     Tatlumpu’t dalawang kongresista ang mayroong networth na P100 milyon o higit pa.

Read more...