SINABI ni incoming Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo na ang pananahimik ng mga organisasyon ng media kaugnay ng panawagang i-boycott si President-elect Rodrigo Duterte ang isa sa mga rason kung bakit ayaw nang humarap sa media ng bagong pangulo.
Sa isang panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Panelo na isa lamang na grupo ng media ang nagpahayag ng pagtutol sa panawagan ng Reporters Without Borders (RWB) na i-boycott si Duterte.
“Ang nangyari dito sa boycott, I was telling the media, na sabi kasi nila, ‘Sir, hindi naman kami kasama diyan sa boycott. Isa lang naman na grupo.’ Sabi ko naman, ‘the problem is, when this particular group issued the call for boycott, hindi kayo umimik. Wala kayong stand for or against it. There is only one media organization that said na hindi kami payag diyan. Lahat, other than that [media organization], walang imik. Ibig sabihin, payag din kayo. So pinagbigyan kayo ni Presidente kaya walang presscon’,” sabi ni Panelo.
Idinagdag ni Panelo na inakala niya noong una na pansamantala lamang ang banta ni Duterte na i-boycott ang media.
“Akala ko nga parang ‘in the meanwhile’ aba eh ang sabi niya kahapon, ‘Hindi. Six years. Wala akong presscon sa inyo.’ Naku, naloko na. Lumala lalo,” ayon pa kay Panelo.
Nauna nang tinutulan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang panawagang i-boycott si Duterte.
Nanawagan ng boycott ang RWB bilang sagot sa naging pahayag ni Duterte matapos ipagtanggol ang pagpatay sa mga mamamahayag na aniya’y dahil na rin sa pagiging sangkot nila sa korupsyon.