Belmonte nakikipag-usap kay incoming speaker
Nakipagpulong si Speaker Feliciano Belmonte Jr., kay Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na napiling mamuno sa Kamara de Representantes ni incoming president Rodrigo Duterte.
Kasabay nito ay sinabi ng kaalyado ni Vice President Jejomar Binay na si Quezon Rep. Danilo Suarez na nais niyang maging lider ng House minority bloc.
Kahapon ay pumunta si Belmonte sa Davao City para makipagpulong kay Alvarez kasama ang iba pang kongresista sa Marco Polo Hotel.
Sinabi ni Belmonte na pinag-uusapan ang tungkol sa koalisyon ng Liberal Party at ng PDP-Laban na partido ni Duterte.
Ang PDP-Laban ang partido ni Belmonte noong pumasok siya sa pulitika.
Inamin ni Belmonte na wala ng makakapigil sa pagiging speaker ni Alvarez matapos nitong makuha ang suporta ng nakararaming kongresista na uupo sa 17th Congress. Ilang miyembro ng LP ang lumipat na sa PDP-Laban.
Si Belmonte ang speaker ng 15th at 16th Congress matapos na mapili ni Pangulong Aquino.
Kamakalawa ng gabi ay nagpaalam na si Belmonte bilang speaker ng Kamara. Nagpasalamat siya sa mga kapwa kongresista na sumuporta sa kanya sa pagpasa ng mga batas na kinailangan ng Aquino government.
Ayon naman kay Suarez magiging ‘constructive’ ang minorya sa kanyang pamumuno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.