Male celebrity nagparetoke ng ilong, nagpalaki ng mata, nagpadagdag ng baba

BLIND ITEM MALE 0504

DAHIL sa kawalan ng magagawa sa buhay ay pinagdiskitahan ng isang male personality ang pagpapabago ng kanyang itsura. Dala-dala ang isang banyagang babasahin ay inisa-isa niya sa doktor na gagawa sa kanya kung anu-ano ang gusto niyang maging resulta ng kanyang ipagagawa.

Wala nang kailangan pang baguhin sa kanyang mukha kung tutuusin, maayos naman ang kanyang itsura, pero ganu’n pala talaga ang male personality kapag nabuburyong na siya sa buhay.

Kuwento ng isang impormanteng matagal nang nakakasama ng lalaki kunong personalidad, “Naku, one-track-minded ang taong ‘yun! Kung ano ang maisipan niyang gawin, kahit pa kontrahin siya ng buong mundo, e, walang mananalo sa kanya!

“Matigas ang ulo ng taong ‘yun, napakakulit niya, kung ano ang pumasok sa utak niya, e, ‘yun na ‘yun! Para siyang hari, hindi mo siya mapipigilan, walang makababali sa gusto niyang gawin!” kuwento ng aming source.

Ang kanyang itsura ang pinagtripan ng male personality nitong mga huling linggo. Gusto raw kasi niyang magmukhang foreigner, ‘yung halos walang makakakilala sa kanya, kaya pinagtripan niya ang pagbabagong-anyo.

“Nakakaloka ang lalaki kunong ‘yun! Epekto ‘yun ng pagiging idle niya. Mabuti nga at magkakaroon na yata siya ng TV show na pagkakaabalahan ngayon, kaya matitigil na ang mga pinaggagagawa niya na siya lang ang nakakaintindi!” reaksiyon pa ng aming source.

Nagbago nga ang kanyang itsura. Tumaas ang ilong niya, nagpalaki pa siya ng mata, nagpalagay rin siya ng panga.

“Naku, Bradly Guevarra, kilalang-kilala mo kung sino ang male personality na ito na maraming ilusyon tungkol sa lovelife niya. Ikaw pa?” pagtatapos ng aming impormante.

Read more...