Regine: Palagay ko, hindi naman nila ‘yun gagawin sa akin!

regine velasquez

NANINIWALA ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez na welcome pa rin siyang mag-concert sa Araneta Coliseum kahit na hindi si Mar Roxas ang sinuportanan nila ng asawang si Ogie Alcasid noong nakaraang eleksiyon.

Nakachika namin at ng ilang piling members ng entertanment press si Regine sa taping ng GMA Telebabad series na Poor Señorita nitong nakaraang Huwebes at dito nga namin naitanong sa kanya ang tungkol sa kumalat na balitang banned na raw siya sa Big Dome.

Ang pamilya ni dating DILG secretary ang may-ari ng Araneta Coliseum at ayon daw sa kampo ng mister ni Korina Sanchez, posibleng hindi na makapag-perform si Regine roon dahil sa naging posisyon nila ni Ogie last elections.

“Sa palagay ko naman ay hindi nila gagawin yun sa akin,” unang chika ng Songbird. “Unang-una, noong tinanong ako ng media kung sino ang susuportahan ko, naging honest lang naman ako,” dagdag pa ni Poor Señorita.

“Si Grace Poe ang susuportahan ko because siya ang sinusuportahan ng mister ko. I see nothing wrong sa sinabi kong iyon. “In the first place, wala naman akong sinasabing masama against Mar Roxas, hindi ko naman siya siniraan. It’s just that kung sino ang pinaniniwalaan ng mister ko, siyempre doon din ako; and it happened to be Grace Poe,” dagdag paliwanag pa ng Songbird.

Samantala, naging malaking tagumpay ang nakaraang “Timeless” concert tour ni Regine sa Amerika last month. May mga nakita pa nga kaming litrato at video na kuha sa concert kung saan nag-iiyakan pa ang fans ni Regine.

“Matagal din kasi akong hindi nakapag-concert sa U.S. Nakakatuwa naman ang mga kababayan natin doon kasi after all these years, nandoon pa rin ang suporta nila sa ating mga local artists.

“Nakapag-promote pa ako doon ng Poor Señorita. In fairness, napapanood nila yung show via GMA Pinoy TV. Kaya ang tawag nila sa akin ay ‘Rita’, ‘Ma’am Rita’, ‘Poor Señorita’. Hindi na ‘Regine…Wooooo!’” tawa pa nang tawang sabi ni Regine na ang tinutukoy ay ang panggagaya ni Paolo Ballesteros sa kanya sa kalyeserye ng Eat Bulaga.

Ibinalita rin ni Regine na inatake siya ng pangungulila sa Amerika dahil hindi niya kasama sa tour ang anak na si Nate. Miss na miss daw talaga niya ang bagets. “Usually, pagkatapos ng concert ay magsa-shopping pa ako, pero hindi ko na ginawa yun. Nagbago na talaga ako, the only time na nag-shopping ako ay dahil hinanap ko yung toy na gusto ni Nate,” chika pa ng Songbird.

Naawa nga raw siya kay Nate dahil pag-uwi niya from the US ay sinabi sa kanya ni Ogie na lagi raw matamlay ang bata dahil na-miss din siya nito. “Sabi nga ng asawa ko, lungkot na lungkot daw si Nate noong wala ako. Naawa naman ako sa anak ko, hindi ko naman kasi siya puwedeng isama,” kuwento pa ng singer-actress-TV host. Samantala, kailangan daw abangan ng manonood ang mga susunod na episode ng Poor Señorita ngayong bumalik na ang kanyang alaala.

“Maganda ‘yung pagbabalik ng alaala tapos may confrontation with the kids, with Paeng (Mikael Daez), tapos naalala na niya lahat kung ano ‘yung mga pinaggagawa niya, ‘yung nagawa sa kanya ng mga bata. So na-hurt siya nang sobra. Pero sa pagbabalik ng alaala niya, mag-iiba na rin si Ma’m Rita. Since naghirap siya, tumira sa squatter, nakasama nya yung mga bata, nagbago yung pananaw niya sa life,” kuwento pa ni Regine tungkol sa karakter niya sa serye.

Napapanood pa rin ang Poor Señorita sa GMA Telebabad pagkatapos ng 24 Oras. Kasama pa rin dito sina Snooky Serna, Sheena Halili, Valeen Montenegro, at marami pang iba, sa direksiyon ni Dominic
Zapata.

Read more...