Golden State Warriors tinibag ang Cleveland Cavaliers sa Game 1 ng NBA Finals

OAKLAND — Ipinakita ng defending champion Golden State Warriors ang teamwork at bench depth na naghatid dito sa NBA record 73 panalo sa regular season matapos tambakan ang Cleveland Cavaliers, 104-89, sa opening game ng 2016 NBA Finals kahapon.

Ang Game Two ng best-of-seven series ay gaganapin ngayong darating na Lunes sa Oakland bago lumipat sa Cleveland para sa susunod na dalawang laro.

Umiskor si Warriors reserve guard Shaun Livingston ng season-best at career playoff high 20 puntos habang si Draymond Green ay nag-ambag ng 16 puntos, 11 rebounds, pitong assists at apat na steals para pangunahan ang pitong double-figure scorers ng Golden State.

Nagawang magdomina ang depensa ng Golden State na nalimita ang Cleveland sa 38.1 percent shooting sa floor kung saan nakapagbuslo ang Cavaliers ng 32-of-84 shots.

Pinamunuan ni Kyrie Irving ang Cleveland sa ginawang 26 puntos subalit tumira lamang siya ng 7-of-22 mula sa floor habang si LeBron James, na naging natatanging manlalaro na nasa top 10 sa points, rebounds at assists sa kasaysayan ng NBA Playoffs, ay nagdagdag ng 23 puntos, 12 rebounds at siyam na assists subalit bumitaw lamang ng 9-of-21. Si Kevin Love ay gumawa ng 17 puntos at 13 rebounds bagamat tumira ng 7-of-17 shooting habang si Tristan Thompson ay nag-ambag ng 10 puntos mula sa 5-of-11 shooting at humablot ng 12 rebounds.

Ang reserves ng Cleveland ay nakagawa lamang ng 10 puntos habang ang Warriors bench, sa pangunguna ni Livingston, ay nagtala ng 45 puntos.

“We knew we had to be aggressive,” sabi ni Livingston. “We knew we had to play tough defense and make some shots.”

Bagamat nakatutok ang atensyon kina two-time NBA Most Valuable Player Stephen Curry at four-time NBA MVP James sa laro, ang Warriors reserves ay nakapag-ambag ng puntos kung saan ito ay kinakailangan.

Si Curry, ang NBA scoring champion ngayong season, ay umiskor lamang ng 11 puntos mula sa 4-of-15 shooting habang si Klay Thompson, na katulad ni Curry ay isa ring 3-point sharpshooter, ay nakagawa ng siyam na puntos mula sa 4-of-12 shooting.

Read more...