Mocha Uson bugbog-sarado sa madlang pipol; Mas mayabang pa ngayon kay Digong

mocha uson

NALALASAHAN na siguro ngayon ng maepal na si Mocha Uson ang matatalim at maaanghang na salitang ibinabalik sa kanya ng ating mga kababayan dahil sa kanyang kaangasan.

Siguradong sa bawat pagbangon niya sa umaga ay punumpuno na ng latay ang buong katawan niya, kaliwa’t kanang upak kasi ang natitikman niya ngayon sa mga netizens, na nag-ugat sa pagpaparamdam niya ng huwad na kapangyarihan.

Huwad, sabi nga ng ating mga kababayan, dahil sumuporta lang siya nu’ng nakaraang kampanyahan sa minanok niyang si President-elect Rodrigo Duterte ay akala mo na kung sino siyang umasta-asta ngayon. Literal siyang inilalarawan ng mga netizens bilang maliit na ibon na natungtong lang sa kalabaw pero ang pakiramdam na ay mas mataas pa siya sa kanyang tinungtungan.

Sukat ba namang maglabas siya ng komento na kapag pinagtangkaang agawin ni VP-elect Leni Robredo ang posisyon ng kanyang pangulo na mandato ng sambayanan ay kikilos siya at ang kanyang mga kapanalig para alisin sa puwesto ang ale. Ayun, wala pang isang minutong lumalabas ang kanyang post ay nakatikim na siya agad ng upak mula sa mga taong naiirita sa kanyang kaangasan, naging paborito na siyang panghimagas sa social media.

Walang masama sa paglalabas ng opinyon, pero sana’y gawin ‘yun ni Mocha sa paraang walang pagbabanta, lalo na’t wala naman siyang personalidad para magbuo ng pagkilos laban sa sinumang ayaw sa kapangyarihan ng kanyang minanok nu’ng eleksiyon.

Read more...