NAGBIGAY ang Social Security System (SSS) ng P13.5 milyon annual incentive benefits (AIB) sa higit 40,000 kwalipikadong overseas Filipino workers (OFWs) na kasali sa SSS Flexi-Fund Program,
Ang nasabing programa ay isang provident fund para sa mga SSS-OFW members upang makapag-ipon sila ng pandagdag sa kanilang retirement benefits sa ilalim ng regular na SSS program.
Tumaas ang bilang ng mga kwalipikadong miyembro sa AIB mula 37,612 noong 2014 ay 40,216 na ito nang sumunod na taon.
Ang SSS, sa pamamagitan ng Flexi-fund, ay narito upang tulungan ang mga OFWs na matamo ang pangmatagalang seguridad gaya ng pagbibigay ng ligtas at protektadong savings facility para sa perang pinaghirapan nila habang nagtatrabaho sa ibang bansa.
Ipinakilala ang Flexi-Fund Program noong 2001 upang magbigay ng karagdagang proteksyon sa miyembrong OFWs na may pinakamataas na buwanang kontribusyon sa SSS sa halagang P1,760.
Anumang halaga P200 pataas ay maaaring ipasok ng SSS OFW-member sa Flexi-Fund.
Ang karagdagang SSS savings ay ipapasok sa kanilang Flexi-fund account, na maaari rin gawing pension plan kapag nagretiro na. Pwede din silang mag-withdraw kung may mahigpit na pangangailangan sa pera.
Sa ngayon ay mahigit 47,000 OFW members ang nakapag-ambag sa Flexi-Fund na may kabuuang members’ equity na P532 milyon.
Nakabatay ang halaga ng AIB sa net investment income ng Flexi-fund sa katapusan ng taon.
Ipinapamahagi ito batay sa individual equity shares ng lahat ng miyembrong kwalipikado.
Samakatuwid, mas mataas ang makukuhang AIB kung mas mataas ang Flexi-fund savings.
Ang mga Flexi-fund enrollees ay nakatanggap ng kabuuang P8.22 milyon guaranteed earnings sa 2015.
Ito ay mas mataas sa P5.34 milyon na naipasok sa kanilang accounts noong 2014. Pinaigting pa ang mataas na kita nito dahil sa pagtaas din ng interest rate para sa guaranteed earnings noong nakaraang taon na 1.8 porsyento mula sa 1.3 porsyento noong 2014.
Kung may katanungan ukol sa mga programa ng SSS para sa OFWs, maaaring tawagan ang OFW Contact Service Unit sa numerong +632 364-7796 at +632 364-7798 o sa pamamagitan ng email address na ofw.relations@sss.gov.ph
Vice President Judy Frances See
SSS Senior VP for Account Management Group and Head of International Operations Division
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jbilog@bandera.ph, jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream
.tv/channel/dziq.