TULAD ng isang ama, itinutuwid niya ang nagkakamali kahit pa mangahulugan ito ng matinding disiplina. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (2 P 1:2-7, Slm 91; Mc 12:1-12) sa ikasiyam na linggo ng taon.
Ibinulalas ng balo ni Alex Balcoba, dating reporter ng Bandera sa Manila Police District, ang kanyang galit kay Digong nang tawagin niya (Digong) ang journalists na korap.
Sa huling sulyap ng labi sa crime scene, kalunus-lunos (at pusali pala) ang tienda-puesto ni Balcoba. Hindi ganito ang puwesto, at sa Quiapo pa, ng kumita sa katiwalian. Mas disente pa ang karaniwang sari-sari store.
Korap pala ang lahat ng mamamahayag at dapat lang na sila ay patayin, pananaw ni Digong (na kabaligtaran ng paniniyak ng kanyang tagapagsalita sa balo ni Balcoba, na tutulong ang bagong pangulo para malutas ang pamamaslang). Di na pala sila dapat litisin kung sila’y tiwali, kundi’y agad na patayin.
Kung lahat ng journalists ay korap, mauubos sila sa loob ng anim na taon. Mensahe sa journalists: lumaban, shootback (sa patas man o maruming paraan).
Nais kong magsalpukan ng talino sina Sal Panelo at Kit Tatad, na kapwa naging tagapagsalita ng kanilang pangulo sa magkaibang panahon. Panelo, abogado; Tatad, mas malawak ang kaalaman sa abogadong Sal kung ang pagbabatayan ay tagapagsalita ng pangulo.
Hinggil sa pahayag ni Digong na dapat lang na patayin ang journalists, ang depensa ni Sal ay, “taken out of context.” Sa salpukan, di tatagal si Sal.
Kamakalawa ng gabi, muling umulan ang bato’t bote sa kunwari’y nag-aaway na mga batang hamog sa Phase 8-A, Bagong Silang, Caloocan (halos gabi-gabi, sa pagitan ng alas-2 n.u., at alas-4 n.u., ay ganito ang nagaganap). Nagaganap din ito sa Phases 7, 4, 9 at 3. Ang batuhan ay kunwari’y gang war pero babasagin lang pala nila ang salamin ng nakaparadang mga sasakyan, at salamin ng mga bahay.
Sa Phase 8-A, dalawang pulis na ang nabasagan ng salamin ng kanilang mga sasakyan, simula Marso. Nagpaputok sila ng baril sa gitna ng batuhan, pero pinagtawanan lamang ng mga batang hamog. Masuwerte ang mga batang hamog. Hindi pulis-salvage ang mga ito. Pero, ang nakapagtataka, hindi tumulong sa kanila ang kapwa mga pulis-panggabi. Patola, labanos, mustasa.
Kapag rumesponde ang mga pulis ay huli na; nagpulasan at “humihilik” na sa kanilang mga bahay ang mga batang hamog. Ang mga tanod at purok lider ay sawa na dahil pinakakawalan din naman ang mga batang hamog ng DSWD, bunsod ng batas ni Kiko Pangilinan, asawa ni Sharon.
Kaya mas matapang pa sa pulis ang mga batang hamog dahil hindi sila puwedeng ikulong, dahil nga sa batas ni Pangilinan. Bato at Digong, makialam na kayo.
Nauna ang pulis-Las Pinas na rumonda kontra batang hamog, sumunod ang Mandaluyong at halos gabi-gabi na sa Quezon City. Ang North Caloocan police ay hindi kumikilos. Ang katuwiran ng isang opisyal ay hindi sila sipsip kay Digong.
Magandang katangian ang hindi sipsip, pero napakasama naman ng tamad at manhid, na likas na sa pulis-Caloocan. Bato, sampulan mo na at ipadala sila sa ARMM.
Usap-usapan sa Bocaue, Santa Maria, Norzagaray at San Jose del Monte, Bulacan na magsasara ang negosyo ng paputok. Babalik na lang ang ilan sa NPA, baka makapuwesto pa sa gobyerno.
Gusto nila sa DSWD. Mataas pa sa bundok Ipo ang pera rito; malaki ang kita kesa paputok.
MULA sa bayan (0916-5401958): Bakit walang puwesto sa Duterte government si Gob. Jonvic Remulla? Ester, Sahod-Ulan, Tanza, Cavite …4322.