Madlang pipol kinilig sa loveteam nina Edgar Allan at Michael sa ‘Pare Mahal Mo Raw Ako’

edgar allan guzman at michael pangilinan

ALIW na aliw kami sa reaksyon ng audience sa ginanap na premiere night ng “Pare, Mahal Mo Raw Ako” sa SM Megamall Cinema 10 kamakalawa.

Panay kasi ang hiyawan ng mga tao sa mga eksena ng “magka-loveteam” sa movie na sina Michael Pangilinan at Edgar Allan Guzman, idagdag pa ang mga nakakatawang punchlines nina Matt Evans at Joross Gamboa tungkol sa mga naging karanasan nila sa bading noong kabataan nila.

Pero ang revelation sa amin ay ang mga security guard ng SM Megamall, dahil talagang nakipanood din sila sa pelikula. Marami na kaming advanced screening na napuntahan sa nasabing mall pero first time naming nasaksihan ang pagtutok ng mga guard doon sa isang pelikula na may tema ng kabadingan. At talagang nakikitawa at nakikitili rin sila, ha! Hindi kaya tama ka, bossing Ervin na naka-relate rin sila sa pelikula nina Michael at EA?

Samantala, pagkatapos ng pelikula ay agad naming nakausap si Michael at todo ang pasalamat niya sa lahat ng nanood ng “Pare Mahal Mo Raw Ako” dahil magaganda ang natanggap niyang feedback. “Mukhang nag-enjoy naman ‘yung audience, nag-enjoy ang crowd at hindi rin namin ini-expect na ganu’n ang magiging reaksyon nila sa mga eksena, may mga kilig moments, may sakit moments. Kaya sana po talagang suportahan ito ng LGBT community, para po ito sa kanila,” sabi ni Michael.

“And were hoping na sana (kumita). Talagang kinakabahan po ako, hindi namin alam kung anong mangyayari. In God’s time, in God’s will and hindi naman magagawa kung walang suporta ni God,” kabadong pahayag ng singer-actor.

Isa sa naitanong sa binata ay kung ano ang feeling niya sa all out support ng kanyang girlfriend na si Garrie Concepcion, “Okay naman po na nandito siya, sabi ko nga, okay lang kung wala siya kasi may trabaho siya, pero nandito siya,” napangiting sagot ni Michael.

May nagsabi na napilitan lang daw siyang aminin ang tugkol sa kanila ni Garrie sa programa ni Kuya Boy Abunda, “Sabi ko naman po, ‘yung private life ko, I want to keep it as private as possible, at hindi ko naman po masisisi si tito Boy, and nag-usap naman po kami ni Garrie, okay din sa kanya na malaman na ng mga tao, pero hindi nila alam kung ano ‘yung detalye, basta masaya po kami,” paliwanag ng baguhang aktor.

Parehong singer sina Michael at Garrie kaya sa tanong kung may plano ba silang mag-collaborate sa isang album, “Siguro po, soon. Kung may chance po magre-record kami kasi pareho naman naming love ang music,” aniya.

Samantala, natuto na raw si Michael sa mga pagkakamali niya noon pagdating sa lovelife na nagbunga pa nga ng isang baby, “Feeling ko po, natututo na ako, at hindi ko masabing perfect na ako, na hindi na magkakamali, pero mas marami na akong alam na hindi ko na gagawin ang mga pagkakamaling iyon before,” say ng baguhang aktor. At dahil nakitaang may ibubuga sa pag-arte si Michael kaya tinanong kung dire-diretso na ang pagpasok niya sa pelikula.

“Naku, ayoko muna, nakita n’yo naman wala talaga akong talent sa ganyan, try ko lang talaga. Si Nanay (Jobert Sucaldito) kasi, ngayon po, ayaw ko talaga, singing muna, madali ang singing. Pagkanta mo ‘yun na ‘yun, tapos na,” mabilis na sabot ni Michael. Mapapanood na ang “Pare, Mahal Mo Raw Ako” sa Hunyo 8 mula sa direksyon ni Joven Tan and to be distributed by Viva Films.

Read more...